MIAA NAGPAALALA SA MGA PASAHERO LABAN SA BOMB JOKES, MATAPOS MAY MA-OFFLOAD DAHIL DITO
Advertisers
Nagpaalala si Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Eric Jose Ines sa mga manlalakbay na iwasan ang pagbibiro ukol sa bomba upang maiwasan ang anumang aberya sa gitna ng dami ng pasahero ngayong holiday season.
Ang paalaala ay isinagawa ni Ines matapos na isang paalis na pasahero ang ma-offload mula sa kanyang Singapore-bound flight matapos magbiro ukol sa bomba sa routine security screening sa Departure Area ng NAIA Terminal 3 sa Pasay City nitong December 20, 2025.
Sa pakikipag-ugnayan ng PNP Aviation Security Group-Aviation Security EOD at Canine Unit ay nagsagawa ng paneling operations ng mga bagahe ng nasabing pasahero upang makumpirma kung meron itong anumang explosive o incendiary materials.
Sa kawalan ng ‘actual threat’, hindi na nagsampa ng reklamo ang airline management at ipina-offload na lamang ang pasahero na blacklisted na sa nasabng airline.
Ayon kay Ines, ang bomb jokes ay seryoso para sa airport authorities at may kaakibat na parusa sa ilalim ng Presidential Decree 1727 at Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2000, na kapwa may parusang hanggang limang taong pagkakulong o multang P40,000.
Sinabi naman ni PBGen Dionisio Bartolome Jr., Acting Director of the PNP Aviation Security Group, na: “bomb-related jokes have no place in airport facilities. We maintain a zero-tolerance policy and will take immediate action to ensure the safety and security of all airport operations.”