Advertisers
BAGO ang lahat, muli tayong nakikiramay sa pamilya ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno sa pagpanaw ng kanyang amang si Renato Miguel Nepomuceno bago ang araw ng Pasko. Inihatid naman siya sa kanyang huling hantungan nitong Linggo, Disyembre 28.
Natutuwa naman tayo na batay sa dami ng nagpadala ng bulaklak at mga pakikiramay sa pamilya ni Comm. Ariel, makikitang sadyang marami siyang kaibigan, nagmamahal at may respeto sa kanya at sa kanyang pamilya. Mabuhay ka, Comm. Ariel!
***
Bukod sa kanyang patuloy na pananahimik sa “pang-uurot,” ehek, “pang-eenganyo ni Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste, na “siya” na ang maglabas ng “Cabral Files,” gusto ring makumbinsi ng publiko na sadyang “seryoso” si DPWH Secretary Vince Dizon sa kanyang sinadabing “reporma” sa eskandalosong ahensiya.
Para kasi sa Crime and Corruption Watch International (CCWI) nang ating kaibigan na si Dr. Carlo Batalla, parang “tuloy ang “ligaya” sa mga kontraktor na may masamang rekord ng ‘accomplishments’ sa kanilang mga proyekto dahil sa halip masuspindi o ‘ma-blacklist,’ aba’y tuloy pa ring nakakasali sa mga DPWH bidding— at nananalo pa nga!
Isang halimbawa itong ‘JD Legaspi Construction’ (JDLC) na kamakailan lang ay sumali—at nanalo sa P641.77 milyon ‘reconstruction’ ng Mabini Hall sa Malakanyang. Nangyari ang bidding nitong Disyembre 16, sa termino na ni Sec. Vince.
Sa rekord din na “nabungkal” ng CCWI, sa pagitan ng 2017 at 2024, nabigyan ng DPWH Central Office at DPWH-NCR ng 12 kontrata ang JDLC na aabot sa higit P3.2 bilyon na may iisang “katangian,” mga kabayan: Lahat ito ay “ongoing” at wala pang natapos kahit isa—batay mismo sa datos ng DPWH!
Oops! Hindi natin kilala itong JDLC, dear readers. Ang sa ganang atin, sumasang-ayon tayo sa CCWI na “kung” totoo nga ang mga sinasabing “reporma” ni Sec. Vince, bakit patuloy na nakasasali sa mga bidding ang mga katulad ng JDLC?
Kahit pa nga “kulay pula” ang rekord nito sa dami ng mga hindi natapos na proyekto at ‘slippage’ na higit ’90 percent’ kumpara sa ‘allowable’ na ’10 percent and below?’
Kapansin-pansin din na katulad sa Mabini Hall, karamihan sa mga ‘infra/construction projects’ sa mga ahensiya ng gobyerno dito sa NCR, JDLC ang nananalo? Basta ba sa NCR, JDLC ang ‘favored contractor’ ng DPWH?
Bukas naman tayo sa ano mang paliwanag, DPWH Usec. Charles Calima at Engr. Boyet Legaspi.
Abangan!