Advertisers
LUMIPAS na ang Pasko at pumasok na ang bagong taon ngunit wala paring napapakulong kaugnay ng trilyong pisong anomalya sa flood control projects sa kabila ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na aabutan ng Pasko sa kulungan ang mga sangkot.
Oo! Nananatiling mabagal at walang malinaw na direksyon ang mga kaso, lalo na ang mga kinasasangkutan ng malalaking pangalan tulad ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Isa sa mga pangunahing dahilan nito ang tila pagbalewala sa mahahalagang testimonya at matitibay na ebidensya.
Sa halip na suriin ng Office of the Ombudsman ang serye ng mga video ng dating kongresistang si Zaldy Co na direktang iniuugnay sina Marcos Jr. at Romualdez bilang umano’y mga utak sa pinakamalaking katiwalian sa kasaysayan, tinawag pa siyang “pugante”.
Ganito rin ang sinapit nina Curlee at Sarah Discaya. Hindi lamang sila tinanggihan sa Witness Protection Program kundi ikinulong pa ang ginang, habang tuluyang ibinasura ang pahayag ni Sgt. Orly Guteza na nagsabing personal niyang naihatid kay Romualdez ang mga maleta ng pera.
Ano nga ba ang ginagawa ng Department of Justice (DOJ) at ng Office of the Ombudsman sa pamumuno ni Jesus Crispin Remulla. Sa halip na ituon ang pansin sa mahahalagang lead, dokumento, at salaysay, lumalakas ang bulung-bulungan na mas inuuna ang paghubog ng isang naratibo upang mailayo sina Marcos Jr. at Romualdez sa pananagutan, habang naghahanap ng mga maaaring isalang bilang scapegoat.
Hindi narin kataka-taka kung bakit mas binibigyang timbang ang testimonya ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo at ng grupong BGC Boys na pinamunuan ni dating District Engineer Henry Alcantara.
Sa kanilang mga kwento, kapansin-pansing wala ang pangalan nina Marcos Jr. at Romualdez, ngunit may itinuturong iba kahit kulang o halos walang mabigat na ebidensya, kaya umalma ang mga abogado nina Sen. Joel Villanueva at dating Sen. Bong Revilla.
Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, hindi magkakatugma ang mga salaysay ni Bernardo. Sa bawat panibagong affidavit ay may pagbabago sa direksyon na para bang paulit-ulit na nirerebisa ang script.
Para kay Esguerra, ang mga akusasyon ni Bernardo ay akmang-akma sa direksyong tinatahak ng imbestigasyon ng DOJ at Ombudsman, isang landas na pinipiling iligtas ang mga totoong may sala habang idinidiin ang mga walang kasalanan.
Limang affidavit ang isinumite ni Bernardo, isang original at sunod-sunod na supplementary affidavits. Para sa kahit sinong law student, malinaw itong red flag. Bakit kailangang paulit-ulit ang dagdag? May bagong ebidensya ba talaga o may gumagabay lang sa kung sino ang dapat isama at sa kung sino ang dapat ilayo?
Hindi kakulangan ng ebidensya ang ugat ng problema. Ang tunay na isyu ay kung kaninong salaysay ang pinipiling pakinggan, kina Bernardo at sa BGC Boys, at kung aling testimonya ang sadyang isinasantabi, gaya ng kay Co, ng mag-asawang Discaya, at ni Sgt. Guteza.
Hangga’t mas mahalaga ang binubuong kwento kaysa sa ebidensya, hindi hustisya ang kahihinatnan kundi isang palabas na matagal nang alam kung sino ang maililigtas at kung sino ang magdurusa sa kulungan. Mismo!