Advertisers
DALAWANG grupo ang naghahanda ng magkahiwalay na mga bagong impeachment complaint laban kay Misfit Sara. Ang isa ay ang koalisyon ng mga civil society organization sa pangunguna ng Akbayan, Samahang Magdalo, at iba pa. Pinangungunahan ang ikalawang reklamo ng grupo ng Makabayan at iba pang maka-Kaliwang grupo.
Nakatakdang ihain ng dalawang grupo ang kani-kanilang impeachment complaint sa ika-5 ng Pebrero sa pagtatapos ng isang taon na ban, o pagbabawal na ihabla ang sinumang impeachable official. Maalaala na sumulong ang unang impeachment complaint na isinumite nga tatlong grupo at Camara de Representantes noong nakaraang taon.
Isinumite ng Camara sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Misfit Sara, ngunit hinarang ito ni Tricky Tsis, pangulo noon ng Senado. Hindi nagkaroon ng paglilitis ang Senado bilang hukuman laban kay Misfit Sara. Ngayon, wala na sa poder si Tricky Tsis. Nanganganib na pumasok sa bilangguan dahil sa bintang na tumanggap umano ng P150 milyon bilang bahagi niya sa fund insertion sa pambansang budget kaugnay sa flood control scandal.
Sinabi ni Press Undersecretary Claire Castro, tagapagsalita ng Malacañang, na hindi haharangin o tutulan ni BBM ang muling pagsusumite ng impeachment complaint kontra Misfit sa Camara. Wala na si Tricky Tsis sa poder at walang pagtutol ang Malacañang. Puwes, wala ng hadlang. Tuloy-tuloy na ito.
Ayon kay Sonny Trillanes, kasalukuyang pinag-aaralan ng mga manananggol ng civil society group kung isasama nila sa impeachment complaint ang testimonya ni Ramil Madriaga, ang dating civilian intelligence agent na kasalukuyang nakakulong. Nag-isyu kamakailan si Madriaga ng isang sinumpaang salaysay (affidavit) kung saan inakusahan niya si Misfit Sara na pinondohan umano ng mga drug lord at POGO officials ang kanyang kampanya noong 2022.
Tinitingnan ng mga civil society organization kung maaaring maging batayan ng panibagong impeachment complaint ang salaysay ni Madriaga, ani Trillanes. Sinabi ni Trillanes na naunang nakipagkita si Kin. Leila de Lima ng Mamamayan Para Liberal Party List kay Madriaga noong ika-8 ng Disyembre sa kulungan ng huli upang beripikahin ang sinumpaang salaysay. Tumagal ng dalawang oras ang kanilang pag-uusap.
May dalawang school of thought sa nakabinbin na Articles of Impeachment laban kay Misfit sa Senado. Ayon sa una, mas magandang buhayin na lang ng Articles of Impeachment mula sa Archive ng Senado. Isang mosyon lang isang senador at isang “second the motion” ang kailangan at matutuloy na naantalang paglilitis.
Hindi kailangan seryosohin ang naunang desisyon ng Korte Supreme dahil batay ito sa mga mali-maling naratibo. Hindi labag sa Saligang Batas ang Articles of Impeachment, giit ng ilang pantas sa batas. Ang may malaking pagkakamali ay ang Korte Suprema dahil hindi niya ganap na naarok ang takbo ng mga pangyayari tungkol sa isyu ng impeachment ni Misift.
Ang ikalawang school of thought ay ang pagsusumite uli ng panibagong impeachment complaint laban kay Misfit. Mag-uumpisa muli at dahil wala na ang hadlang tulad ni Tricky Tsis, madali itong dadaan sa proseso. Hindi na rin nakaporma ang Korte Supreme dahil alam nilang na hindi na puede ang mali-maling desisyon. Mas pinapaboran ito.
***
TANGING ang mga masugid na tagahanga lang ni Leni ang naniniwala na dapat tumakbo ang kanilang diyosa sa 2028. Ang pinakamalaking problema nila ay ayaw ng kanilang idolo. Tahimik ang buhay niya sa Naga City bilang alkalde. Bakit nga naman guguluhin?
Kung si Leni ang ilalaban ng demokratikong hanay sa 2028, magaan itong dudurugin ng sinumang kalaban. Kahit tsonggo o aso ang kanilang ilaban, mananalo dahil mahinang kandidato si Leni. Kung natatandaan ninyo, mahigit 15 milyon ang kalamangan ni BBM sa kanya noong 2022.
Ipagpalagay na dinaya si Leni tulad ng iginigiit ng ilang paham sa kanilang hanay, hindi ito nalaman agad ni Leni. Nagmamadali silang umalis ng kanyang mga anak at pumunta sa New York City kung saan doon sila namasyal at kumuha ng selfie shot. Iniwan ang kanyang supporter sa ere. Hindi malaman kung ano ang gagawin.
Sa huli, inamin ni Leni na natalo siya kay BBM. Inabot ng walong buwan bago lumantad si Hen. Eliseo Rio, retiradong heneral at dating kalihim ng DICT, na nagsabing nagkaroon ng dayaan batay sa mga datos na nakalap niya. Hindi sila sinuportahan si Gen. Rio at naiwan rin sa ere.
Magaling na community development worker si Leni. Aminado ang lahat diyan. Pero mahina siyang political strategist. Hindi niya alam ang tamang pamumulitika. Hindi siya nasanay diyan. Dahil sa pakipot politics niya, hindi ganap na nakapaghanda ang hanay ng oposisyon at magaan siyang tinalo ni BBM.
Kaya ang payo maga sa kanyang panatikong supporter: Huwag atat na atat ilaban ang talunan. Hindi mananalo iyan at hindi makakakuha ng suporta si Leni. Alam niya iyan. Huwag ninyong pilitin ang ayaw.
***
HINDI totoong mahina si Risa Hontiveros. Hindi totoo na wala siyang bailiwick o political base. Dalawang beses na nanalong senador si Risa. Noong nakaraang taon, nanguna ang Akbayan Party List sa halalan ng mga party list. Huwag liitin ang 2.8 milyon boto na nakuha ng Akbayan noong nakaraang taon. Puhunan ito sa susunod pakikibaka. Walang ganyan ang ibang party list.
Maraming pinagdaan ang Akbayan mula ng itatag ito noong panahon ni FVR. May ups and downs tulad ng ibang lapian. Ngunit hindi ito bumitaw. Bigyan ng kredito ang pamumuno ni Risa sa Akbayan. Huwag maging bulag ang mga achievement ng lapiang ito.
Huwag maniwala sa nagkalat na fake news ng mga propagandista na kaya nanguna ang Akbayan ay dahil kay Chel Diokno. Nakatulong si Chel sa Akbayan pero bigyan ng kredito ang sama-samang pagkilos ng lapian bilang isang demokratikong organisasyon. Noong 2025 lang sumama si Chel sa Akbayan. Dati siyang Liberal, ngunit dahil nakita niyang naghihingalo ang Liberal, nagpasya na mas may kinabukasan siya sa Akbayan. Hindi siya nagkamali.