Advertisers

Advertisers

ON-GROUND INSPECTION NG GOV’T PROJECTS, DAPAT GAWING RANDOM — SEN. ERWIN TULFO

0 5

Advertisers

Itinutulak ni Senador Erwin Tulfo na maging ‘random’ ang pagsusuri sa mismong lugar ng mga proyekto ng gobyerno upang matiyak na hindi masasayang ang pera ng taumbayan.

Kasabay nito ay naghayag din ng pagsuporta si Sen. Erwin sa pagbuo ng Joint Congressional Oversight Committee upang subaybayan ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

“Kung ako ang tatanungin, hindi lang ako magre-rely dun sa report ng secretary, ng mga director. Kailangan siguro talagang may tao tayo on the ground na na magsagawa ng random checks. Halimbawa, talagang isinasagawa ba ang isang proyekto?,” ani Tulfo, na siya ding vice-chairperson ng Committee on Finance.

“Nakita natin kung paano tinatakpan ng mga regional director ang mga district engineer at kung paano kahit ang mga kalihim ay maaaring sangkot,” dagdag pa ng senador.

Kamakailan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang batas sa pambansang budget para sa taong 2026, kung saan vineto o kinontra niya ang mga proyektong nagkakahalaga ng P92.5 bilyon sa ilalim ng unprogrammed appropriations.

“Sang-ayon po ako na magkaroon po ng oversight functions committee ang both Houses of Congress para mabantayan po itong paggasta sa 2026 budget. Kagagaling lang po natin ng 2025 na talagang winaldas naman po talaga yung budget, syempre, we have to make sure na hindi na mauulit at talagang mapupunta sa tama itong pera ng taong bayan this year,” anang Senador.

Nang tanungin tungkol sa kredibilidad ng komite sa pagbabantay, isinasaalang-alang umano na may mga miyembro ng Kongreso na diumano’y nagpasok o nag-endorso ng ilang paboritong proyekto sa budget ng 2026. Binigyang-diin ni Tulfo na ang layunin ng joint oversight committee ay upang matiyak ang kredibilidad ng ulat.

Bilang reaksyon sa iminungkahi ni Sen. Win Gatchalian, tagapangulo ng Finance Committee, na ang lahat ng vice-chairpersons ay magiging bahagi ng oversight committee, ani Sen. Erwin: “Oh, salamat sa Diyos na kasama ako (sa oversight committee). Talagang isusulong ko na masaksihan natin ang pagpapatupad ng mga proyekto. Ang daming proyekto. Malalaking proyekto, maliliit na proyekto, farm-to-market roads, mga proyekto sa irigasyon. Maaari natin silang suriin nang random.” (JERRY S. TAN)