Advertisers

Advertisers

KUMPISAL NI TRILLANES

0 6,610

Advertisers

MAY ikinumpisal kamakailan si Sonny Trillanes na hindi naging bahagi ng aking aklat “KILL KILL KILL Extrajudicial Killings in the Philippines; Crimes Against Humanity v. Rodrigo Duterte Et. Al. Revised and Updated Version.” Tungkol ito sa partisipasyon ni Leni Robredo sa sakdal na crimes against humanity na iniharap ni Sonny Trillanes laban kay Gongdi.

Sa aking aklat, sinabi ko na hinimok ni Sonny (senador siya noon) si Leni na suportahan o sumama sa sakdal ng crimes against humanity na planong isampa ng grupong oposisyon laban kay Gongdi sa International Criminal Court (ICC). Si Leni ang pangalawang pangulo ni Gongdi at itinuring siya bilang lider ng oposisyon dahil magkaiba ang kanilang lapiang pulitikal.

Matamlay si Leni sa mungkahi ni Trillanes. Hindi siya sumama at bagkus dumistansya sa plano na sampahan ng sakdal si Gongdi. Ganyan rin ang ibang lider oposisyon na nagpasya na huwag suportahan si Trillanes. Ito ang sinabi ko sa aking aklat. Hindi ko na dinagdagan sapagkat wala akong ibang detalye. Batid ko na kaya hindi ninais ni Leni at ibang lider oposisyon ay dahil hindi nila alam at kabisado ang kabuuan ng ICC.

Bago sa kanilang pandinig ang ICC. Wala sa radar ang ICC sa mga nakalipas na panahon. Hindi nila kabisado ang international criminal justice system. Hindi nila alam kung ano ang operasyon ng ICC. Kamangmangan ang pangunahing dahilan kung bakit tanging si Trillanes at Gary Alejano ang nagsampa ng sakdal sa ICC.

Sasama sana si Leila de Lima, kasamang senador ni Trillanes, ngunit ipinakulong ni Gongdi batay sa mga gawa-gawa at pinagtagping-tagping sakdal na sa dakong huli ay itinapon ng hukuman pagkatapos ng halos pitong taon na pagkakakulong.

Balik tayo sa kumpisal ni Trillanes. Sa isang tanghalian noong ika-2 ng Enero 2, sinabi niya sa harap ng ilang democratic warrior na pinigilan siya ni Leni na isampa sa ICC ang sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi. Natakot umano si Leni sa maaring epekto ng sakdal sa ilang lider oposisyon.

Buwan ito ng Enero ng 2017 at buo ang pasya ni Trillanes at Samahang Magdalo na ihain ang sakdal sa ICC kahit hindi nila masyadong kabisado ito. Dahil si Leni ang pinakamataas na halal na bayan noong panahon na iyon, siya ang tumatayong lider ng oposisyon.

Sinabi ni Trillanes na nagpadala ng mga sugo si Leni upang kumbinsihin siya at ibang lider ng Samahang Magdalo na huwag ituloy ang sakdal. Isa sa kanila si Bolet Banal na noon ay isang kongresista na kabilang sa Lapiang Liberal na tumatayong lapian ng oposisyon. Kinausap siya upang huwag isampa ang sakdal.

Hindi pumayag si Sonny Trillanes dahil ang sakdal ay isang paraan upang pigilan si Gongdi sa walang habas na patayan, o extrajudicial killings (EJKs), kaugnay sa madugo pero bigong digmaan kontra droga ni Gongdi.Magandang detalye ito na hindi ko naisama sa aking aklat dahil hindi ko ito agad nalaman..

Ang sumunod ay kasaysayan na. Nakinig si Trillanes sa payo ng isang mambabatas ng European Parliament na isampa sa ICC ang sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi at mga kasapakat. Inaral ng kani-kanilang legislative staff ang mungkahi ng mambabatas mula sa Europa at dahil may katwiran at batayan sa batas, kagyat na isinampa ang sakdal. Kasama si Reynaldo Robles sa mga abogado na naghanda ng sakdal.

Sumulong ang sakdal sa halos isang dekada ng pakikibaka. Kung hindi nagharap ng sakdal si Trillanes at Alejano at imbes nakinig kay Leni, walang Gongdi sa piitan ng ICC ngayon. Walang Bato dela Rosa, Bong Go, at Hen. Oscar Albayalde na maaaring dakpin anumang oras ngayon at dalhin sa punong himpilan ng ICC sa siyudad ng The Hague sa Olandiya upang humarap sa hukuman at papanagutin sa kanilang partisipasyon sa war on drugs ni Gongdi.

Hanggang maaari iniiwasan ko ang manghula, o gumawa ng espekulasyon, pero hindi ko inalis na maniwala na isa itong dahilan kung bakit walang bilib o paghanga si Sonny Trillanes kay Leni Robredo. Alam niya na mahina ang loob ni Leni. Walang puso at dibdib. Kulang sa utak, diskarte, at lakas ng loob. Maganda lang ang imahe publiko.

Nasubukan ni Trillanes si Leni ng nagpakipot kung tatakbo o hindi sa halalang pampanguluhan ng 2022. Ibinitin ang desisyon hanggang Oktubre, 2021. Dahil walang ganap na paghahanda, natalo ang tiket ni Leni at Kiko Pangilinan sa Uniteam ni BBM at Misfit Sara.

Dinaya? Maaari pero Hindi ito inalam ni Leni. Nalaman lang ito nang nagsalita si Hen. Eliseo Rios, dating kalihim ng DICT, na may nasilip siyang dayaan batay sa nakalap niyang datos. Hindi sinuportahan ni Leni si Rio. Tulad ng kanyang nakagawian, matalay si Leni na sumabak sa anumang tunggalian. Matabang, matamlay, at alanganin – as usual.

Bukas ang aking kolum sa anumang sagot ni Leni Robredo. Pero tanging ang sagot niya ang aking ililimbag at hindi ang opinyon ng sinuman sa kanyang fans’ club.