Advertisers
UMALMA ang kilalang kritiko ng dating Pangulo na si dating Senador Leila de Lima nang ihalintulad ito kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kabilang na si dating Senador Antonio Trillanes III.
Patungkol ito sa patuloy na pagtatago umano ni Sen Bato dahil sa ulat na Arrest Warrant mula sa nagmamagaling na korte ng International Criminal Court (ICC) na ang kaya lamang ipadampot ay yung mula sa ‘small time’ na mga bansa.
Halimbawa, batid ng buong mundo na may kautusan ang ICC na damputin upang iharap sa kanilang hukuman ang lider ng Israel at Russia subalit hanggang sa ngayon ay wala naman resulta kasi [nga] ‘bigtime’ ang mga ito.
Balik kay de Lima… ipinunto nito na kaya hindi ito nakadadalo sa mga sesyon sa Senado noon ay dahil ipinakulong ito dahil sa mga kaso na may kinalaman sa iligal na droga na kalaunan ay ibinasura ng mga korte.
Habang si Sen Bato naman ay nagtatago upang hindi maaresto ng mga nauto ng ICC kaya maari umano itong dumalo sa mga pulong o sesyon ng Senado na maituturing na malaya pa dahil wala ito sa likod ng mga rehas na bakal.
Bagaman nabanggit ang pangalan ni Trillanes ay walang naging komento rito si de Lima siguro dahil mula sa isang ‘kuwadra’ ang mga ito at pareho rin nakaranas ng kulong ang dalawa habang sila ay halal bilang Senador.
Mariin ang pagkontra ni de Lima sa sitwasyon nilang dalawa ni Sen Bato na parang nasaktan pa nga ito sa naturang pananaw kaya mabilis pa sa kidlat ay nagbigay agad ito ng pahayag upang salungatin ang tinuran ni Tito Sen.
Tama nga naman si de Lima subalit mali siya! Ginamit niya ang rehas bilang pagkakaiba ng kanilang sitwasyon subalit parehong-pareho ang kanilang sitwasyon bilang Senador na kabilang sa hanay ng oposisyon sa Senado.
Sa panahon ni de Lima ay kilala itong kritiko ng ‘Tatay’ habang si Trillanes ay harapan dinunggol ang liderato ni dating Pangulong Gloria bago pa man ito maging Senador samantalang hindi lingid sa kaalaman ng publiko na ang Sen Bato ay batang-dikit ng dating Pangulong Digong.
Sana lang ay maging makatotohanan ang mga pahayag sa mga ganitong isyu upang magsilbing gabay ng taumbayan sa paggawa ng kanilang konklusyon patungkol sa mga nagaganap na kilos-pulitikahan sa ating bansa. Teka… bakit hindi nabanggit ni Tito Sen ang Sen Ping?