Advertisers

Advertisers

SP Sotto, tiniyak ang agarang aksyon sa impeachment complaint vs PBBM at VP Sara

0 14

Advertisers

TINIYAK ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na agad niyang aaksyunan ang anumang posibleng reklamo sa impeachment laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

“One thing is certain, as SP (Senate President), I will act on it with dispatch, forthwith!” wika ni Sotto.

Partikular na tinukoy ni Sotto ang probisyon ng Konstitusyon na nag-aatas sa Senado na “forthwith proceed” o “kaagad na magpatuloy” sa paglilitis matapos ma-impeach ng Kamara ang isang opisyal.



Sa ilalim ng Konstitusyon, ang House of Representatives ang may eksklusibong kapangyarihang mag-initiate ng lahat ng kaso ng impeachment.

Kapag na-impeach na ng mababang kapulungan ang isang opisyal, ang Senado naman ang may tanging kapangyarihang magsagawa ng paglilitis at magpasya kung ang opisyal ay may sala o wala.



Nauna nang binatikos ang Senado, sa ilalim ng pamumuno noon ni Senate President Chiz Escudero, dahil umano sa hindi nito agarang pag-aksyon sa kaso ng impeachment laban kay Duterte, sa kabila ng malinaw na mandato ng Saligang Batas na kumilos ang mga senador nang walang pagkaantala.

Noong Agosto 2025, in-archive ng Senado ang kaso ng impeachment laban kay Duterte matapos ideklara ng Korte Suprema na ito ay labag sa Konstitusyon dahil nilabag umano ang probisyong nagbabawal sa paghahain ng higit sa isang reklamo sa impeachment sa loob ng isang taon laban sa isang opisyal na maaaring ma-impeach.



Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nareresolba ng Korte Suprema ang motions for reconsideration na kumukuwestiyon sa naturang desisyon. (Mylene Alfonso)