Advertisers
MUKHANG may malaking problema na kakaharapin ang mga government prosecutor sa pangunguna ni Ombudsman “Boying Remulla” kaugnay sa mga kasong isinampa nila laban sa umano’y mga may kinalaman sa mga maanomalyang flood control projects.
Ito ang pahayag ng ilang anti-corruption watchdogs gaya ng People for Truth and Equality (PTE) sa panguguna ng convenor nito na si “Mike” Domingo.
Lumalabas kasi na dahil sa maling mga datos at pagmamadali, maraming inosenteng career officials at kawani ng DPWH ang nasira ang buhay, matapos silang madamay sa usapin ng maanomalyang flood control projects nang wala namang sapat na basehan. Mismo!
Matatandaan na sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Hulyo 2025 ay mariin niyang kinondena ang aniya’y maanomalyang flood control projects sa ibat-ibang rehiyon ng bansa.
Kasunod noon ay nag-utos siya na magsagawa ng malalimang imbestigasyon, sinabihan ang DPWH na maglabas agad ng listahan ng mga proyekto, at alamin kung alin sa mga ito ang nababalot sa anomalya.
Kaagad namang sumunod ang ngayon ay namayapa na at noon ay dating DPWH Usec. Catalina Cabral, pero hindi nila naipaliwanag na ang mga datos nila sa Multi-Year Programming and Scheduling (MYPS) system ay hindi pa kumpleto at ginagamit lang para sa paghahanda at pagpaplano ng mga proyekto.
Ang mga coordinate na galing sa MYPS system na ibinigay ni Cabral ay ini-upload din sa “Sumbong sa Pangulo” portal, na matatandaang ginamit ni Sen. Ping Lacson para mag-imbestiga.
Hindi nagtagal ay tumayo siya sa Senado, isiniwalat niya ang tinawag niyang “Floodgates of Corruption “, at ibinulgar ang mga ghost flood control project kuno partikular sa Bulacan at Mindoro, gamit ang coordinates ng MYPS.
Dahil sa expose’ ni Lacson ay bumuhos ang galit ng mga tao hanggang sa tuluyan na ngang magresulta sa pagbubuo ng ICI, kabi-kabilang malalaking rally, at panawagan para panagutin ang mga nasa likod ng maanomalyang flood control projects.
Pero ang masakit nito ay inamin mismo ni Lacson at maging ni incumbent DPWH Secretary Vince Dizon nitong nakaraang linggo lamang na mali ang grid coordinates na ibinigay sa kanila nina Usec Cabral at ex-DPWH Sec. Manuel Bonoan, na ginamit sa pagsasampa ng kaso.
Pero tila huli na ang mga pag-aming ito nina Lacson at Dizon. Maraming inosenteng mga kawani at opisyal ng DPWH ang nasira na ang pangalan at iyong iba nga ay kusang loob pang sumuko at kasalukuyang nakakulong.
Ano na ang mangyayari sa kanila ngayong lumabas na ang totoo na maaaring maraming totoong proyekto ang mukhang nawawala sa mapa, dahil sa maling grid coordinates na ginamit nina Dizon at Lacson, para magsampa ng kaso sa Ombudsman?
Kawawa naman ang DPWH employees na sinisi, pinahiya, kinasuhan at ikinulong, kahit pa napatunayan ng independent audit na may mga proyekto talaga.
Ang isyu pala ay depekto ng kontraktor, na dapat sana ay pinagawa lang, hindi ikinulong ang mga opisyal.
Para sa anti-corruption watchdogs, kung totoong nagkamali ng pag-aakusa ang gobyerno gamit ang maling mga datos at coordinates, ang pinakamaliit na puede nilang gawin partikular ng Sandiganbayan ay mabigyan sila ng bail, at pansamantalang makalaya ang mga suspek habang nililitis pa ang mga kaso.
Sa madaling salita, mga pare’t mare, siguraduhin muna ang katotohanan bago manira ng buhay, lalo na kung ang sangkot ay mga kawawa at inosenteng kawani ng gobyerno. Mismo!