Advertisers
NGAYONG nakakulong na si dating Senador “Bong” Revilla, ang isa sa mga “big fish” sa multi-billion flood control scandal, sino sa tingin ninyo ang susunod?
Sinabi ni Pangulong “Bongbong” Marcos at ng kanyang Ombudsman, Interior at Justice secretaries na may mga nakapila pang malalaking isda sa flood control anomaly ang bibingwitin sa mga susunod na araw. Sino sino kaya ang mga ito?
Hmmm… Bukod kay Revilla, ang mga sinampahan ng Plunder case ay sina Senador Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada at ex-Sen. Nancy Binay, under investigations naman si Sen. Chiz Escudero. Sila ang mga palulit-ulit na binanggit ng mga naging testigo (mga dating engineer/offficial ng public works) sa Senate Blue Ribbon inquiries sa flood control projects anomaly, na mga kumana ng kickback mula 15 percent hanggang 25 percent, dahilan para maging multo o substandard ang mga proyektong panangga sa baha sa Bulacan.
Kung bakit naunang nakulong si Revilla? Eh kasi wala siya sa puwesto eh. Hehehe…
Anyway, hindi na bago kay Revilla ang kulungan. Nakulong narin siya noon ng ilang taon sa “maling paggamit” sa kanyang ‘pork barrel’ fund. Pero naabsuelto siya, at pinababalik sa kanya ng korte ang P125m. Naibalik na kaya yun? Ewan!
Kung si Jinggoy naman ang susunod na makukulong sa flood control scam, hindi narin siya bago sa kulungan. Immune na ito. Hehehe… Oo! Dati narin siya nakulong. Actually nakalalaya lang siya ngayon dahil sa piyansa. Ang kanyang kasong Plunder sa pork scam ay nakabinbin pa sa Sandiganbayan. Mismo!
At kung si Villanueva naman ang susunod sa maging kakosa ni Revilla, aba’y hindi narin bago sa kaso ng ‘Graft’ ang pastor na ito ng Jesus is Lord (JIL). Na-dismiss na nga ito noong kongresista sa kaso rin ng pork barrel. Nagtataka nga lang tayo kung paano binaligtad ng dating DDS Ombudsman na si Samuel Martires ang naging desisyon ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, at kung paano pinayagan pa siya ng Comelec na makatakbo sa Senado. Siguro dahil sa kanyang impluwensiya bilang pastor ng JIL na mayroong milyon kunong miembro na nagagamit pag eleksyon.
How about Escudero at Binay?
Tahimik ngayon si Escudero. Hindi natin siya naririnig nagsasalita sa publiko, samantalang napakaingay nito.
Gayundin si Binay, na kasalukuyan nang mayor ng Makati City.
Sabi ni Ombudsman “Boying” Remulla: “Abangan!”
***
Sa nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Ping Lacson, nanindigan ang state witness na si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo na kung ano ang kanyang mga sinabi sa kanyang sinumpaang salaysay sa Senado ay kanya itong pinaninindigan.
Sa naturang salaysay, sinabi ni Bernardo na nag-deliver o nagpa-deliver siya ng milyon milyong cash o kickback sa naturang mga senador.
Maging ang isa pang state witness na si dating DPWH-Bulacan District Engr. Henry Alcantara ay pinatunayan ang mga sinabi ni Bernardo.
Now, sino sa tingin ninyo ang susunod na makukulong sa flood control scandal? Si Jinggoy, si Joel, si Chiz o si Nancy?
Abangan!