Advertisers
ISANG 30-taong-gulang na babaeng overseas Filipino worker (OFW) ang inaresto noong Huwebes ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City matapos matagpuan ng mga awtoridad ang PHP43.4 milyong halaga ng pinaghihinalaang cocaine sa loob ng kanyang bagahe.
Sa isang pahayag noong Biyernes, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang suspek, alyas Vane, isang domestic helper, ay dumating mula sa Sao Paulo, Brazil, na may connecting flight patungong Doha, Qatar bandang 7:20 p.m. noong Huwebes.
Sa inspeksyon sa itim na bagahe ng suspek, natuklasan ang isang nakatagong compartment kung saan natagpuan ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 8.19 kilo ng puting pulbos na substansiya na pinaghihinalaang cocaine.
Narekober din ang mga ebidensyang hindi hinggil sa droga, kabilang ang isang Philippine passport, dalawang boarding pass, at isang backpack na naglalaman ng passbook, dalawang cellular phone, iba’t ibang foreign currency, identification card, bank card, at mga dokumento ng kargamento.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay ibinigay na sa PDEA Laboratory Service para sa pagsusuri at proper disposition.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, na binubuo ng PDEA, Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.
Ang suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOJO SADIWA)