Advertisers
Bumaba ng 13.08 porsiyento ang kabuuang bilang ng mga krimen sa Lungsod ng Maynila sa ikaapat na kwarter ng 2025, kung saan kapwa nagtala ng pagbaba ang index at non-index crimes, batay sa datos na iniulat ng Manila Police District (MPD) kay Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa unang Command Conference ng distrito para sa taong 2026.
Ayon sa Peace and Order data na inilahad ni MPD chief Police Brigadier General Arnold Abad, bumaba ang kabuuang insidente ng krimen mula 2,110 kaso sa ikatlong kwarter tungo sa 1,834 kaso sa ikaapat na kwarter ng 2025, o katumbas ng 276 na mas kaunting kaso.
Ipinakita rin sa ulat na bumaba ang index crimes mula 291 tungo sa 239 kaso, habang ang non-index crimes naman ay bumaba mula 1,819 tungo sa 1,595 kaso sa parehong panahon.
Ayon kay Mayor Domagoso, na resulta ang pagbaba ng krimen ng tuluy-tuloy na pagpapatupad ng batas at ng malinaw na polisiya ng lungsod na papanagutin ang sinumang lalabag sa batas
“Bilang garantiya sa mamamayan ng Maynila, gusto nating pigilan ang lahat ng kriminal. May awa ang Diyos, gabayan nawa tayo. Pero kung sakaling makaligtas o makatakas sila sa krimen na kanilang ginawa, sisiguraduhin natin na mananagot sila sa batas upang magkaroon ng katiyakan ang mamamayan ng Lungsod ng Maynila,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa ni Isko, hindi sulit para sa mga kriminal ang gumawa ng krimen sa lungsod.
“Sa mga kriminal, ngayon alam ninyo – hindi sulit gumawa ng krimen laban sa ari-arian at sa tao sa Lungsod ng Maynila habang narito kami,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din ni Isko na pangunahing layunin ng pagpapatupad ng batas ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng krimen
“Hahabulin natin sila kahit saan sila magtago at kahit gaano pa katagal. Ang mahalaga, mabigyan ng hustisya ang biktima,” aniya.
Pinuri rin ni Domagoso ang disiplina ng mga pulis sa mga operasyon, lalo na ang pagpipigil at pagsunod sa tamang proseso ng batas
“Ang gusto ko ’yung restraint
– walang gigil, naka-focus lang sa trabaho. Hangga’t maaari, kukunin natin sila nang buhay at dadalhin sa husgado, at hayaan nating ang korte ang magpasya kung sila ay may sala o wala,” ayon kay Moreno.
Binanggit din ni Isko na napapansin ng publiko ang presensya ng mga pulis sa lansangan, lalo na tuwing madaling araw.
“Napapansin ng taong bayan na kahit madaling araw, ang mga pulis natin na nasa kalsada – naka-uniporme at ginagampanan ang kanilang tungkulin sa komunidad, sa organisasyon, sa bansa, at sa Lungsod ng Maynila,” sabi ni Domagoso.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga pulis sa panganib ng kanilang propesyon.
“Sabi nga ng mga beteranong pulis noon, paglabas mo pa lang ng bahay, kalahati ng paa mo nasa hukay na. Ganun kadelikado ang trabaho ng pulis,” aniya.
Sa huli, pinasalamatan ni Mayor Domagoso si P/BGen. Abad at ang buong MPD sa kanilang mahusay na pagganap.
“Masaya ako at ipinagmamalaki ko kayong lahat,” ani ng alkalde, kasabay ng panawagang ipagpatuloy at palakasin pa ang mga tagumpay sa pagbawas ng krimen habang papasok ang Maynila sa taong 2026.(BP)