Advertisers

Advertisers

Bantay sa baha: Isko Moreno inilunsad ang modernong flood command center

0 28

Advertisers

Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Martes ang groundbreaking ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) Flood Monitoring Command Center sa Manila North Cemetery—isang pasilidad na layong palakasin ang kahandaan ng lungsod laban sa pagbaha sa pamamagitan ng real-time data at mas maayos na koordinasyon ng pagtugon.

Ayon kay Domagoso, magbibigay-daan ang command center upang masubaybayan nang masinsinan ang lebel ng baha sa mga ilog, estero, at iba pang flood-prone areas sa buong Maynila, na makatutulong sa mas mabilis at mas tamang pagpapasya tuwing may bagyo at malalakas na pag-ulan na taunang nararanasan ng lungsod.



“This facility will empower our people to have proper data, or what you call data management, and monitoring of flood water going around our city, riverside, and creekside,” ani Domagoso.

Batay sa detalye ng proyekto, magkakaroon ang pasilidad ng flood monitoring at command center, control at server rooms, mga opisina at training areas para sa MDRRMO personnel, isang mortuary, at tatlong fully air-conditioned public viewing rooms. Kasama rin ang mga support facilities gaya ng generator room at elevators.



Binigyang-diin ng alkalde na ang tamang impormasyon at maagap na aksyon ang maaaring maging susi sa pagliligtas ng buhay at ari-arian, lalo’t paulit-ulit na hamon ang pagbaha sa lungsod taon-taon.

“This facility may save lives with accurate data, timely action, and information. I think we may save lives and property during challenging not years, but every year of our life,” aniya.



Sinabi rin ni Domagoso na ipinapakita ng proyekto kung ano ang maaaring gawin ng lokal na pamahalaan sa loob ng saklaw ng mandato nito, habang patuloy ang mga imbestigasyon kaugnay ng flood control projects. Aniya, mas mahalaga ang agarang pagkilos kaysa sisihan.

“Hindi para ituro ang daliri kung kani-kaninong mukha, but to act on the matter to help its citizens or constituents,” dagdag ni Isko.

Ayon pa sa alkalde, pagsasamahin ng pasilidad ang teknolohiya, pangangalaga sa kapaligiran, at mahusay na sinanay na mga tauhan, upang umasa ang lungsod sa data analysis at maayos na plano, sa halip na hula-hula.

“This is where they started: with the right data, you can create the right action plan,” ani Domagoso.

Bukod sa flood monitoring, sinabi ng alkalde na magkakaroon din ang complex ng libre at fully air-conditioned public viewing rooms para sa mga pamilyang walang sapat na espasyo para magdaos ng burol sa masisikip na komunidad.

“The poor people will have a fully air-conditioned public burulan sa tabi ng sementeryo,” aniya.

Tinugunan din umano ng proyekto ang matagal nang isyu sa maayos na paghawak sa mga nasawing walang nag-aangkin at mga biktima ng sakuna, sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang angkop na mortuary at coroner’s office.

“For the first time, this facility also will build a coroner’s office where the remains that have been left for a long time will be taken care of by your City Government in a proper and correct facility,” ani Domagoso.

Dagdag pa ng alkalde, tugon ang proyekto sa paulit-ulit na panawagan ng mga komunidad at bahagi ng layunin ng pamahalaang lungsod na maibalik sa mamamayan ang buwis sa pamamagitan ng serbisyong nagliligtas ng buhay at nagbabalik ng dignidad

“Every life, every person, every human being that we may and can save is one success,” pagtatapos ni Mayor Isko. (BP)