Advertisers

Advertisers

JAPANESE, SUGATAN MATAPOS HOLDAPIN SA PARAÑAQUE ; KAWATAN ARESTADO SA LOOB NG 24 ORAS

0 55

Advertisers

SA loob ng halos 24 oras ay agarang naresolba ng pulisya ang sinapit ng isang Japanese na nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo matapos siyang atakihin ng isang lalake na nagnakaw ng kanyang bag na naglalaman ng pera at iba pang mahahalagang gamit sa lungsod ng Paranaque.

Sa isang press conference sa SPD District Headquarters, Fort Bonifacio, Taguig City, kinilala ni SPD Chief PBGen Randy Arceo ang naarestong suspek na si Ariel Alido ,49 anyos, vendor, ng R Medina Subdivision, Barangay San Dionisio, Paranaque City.

Ang suspek ay naaresto sa tulong ng CCTV backtracking at forward tracking na naging dahilan upang magsagawa ng hot-pusuit operation ang mga awtoridad sa kinaroronan ng suspek.

Nabawi ng mga pulis sa pamumuno ni Paranaque Chief PCol. Nicolas Piñon, ang mga ninakaw na items, kabilang ang sling bag, isang iPhone 14,earpods, Japanese passport, identification cards, ATM card,boarding pass at ilang personal effects.

Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap noong January 24,2026 malapit sa Wet Land Park kung saan naroroon ang biktimang si Akira Moriyama ,62-year old, japanese tourist, sa shoreline area ng access road ng Barangay San Dionisio.

Sa isang viral video, nagpakita ng paulit-ulit na paghampas ng suspek sa ulo ng biktima habang ito ay nakahiga sa lupa. Pagkatapos ay sapilitang kinuha ng suspek ang bag ng biktima at tumakas na parang walang nangyari.

Rumesponde ang mga awtoridad sa insidente matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen kung saan natagpuan ang biktima na puno ng dugo ang ulo, damit, at sumbrero.

Narekober nila ang kahoy na patpat na ginamit sa pag-atake.

Sinabi ng pulisya na maaaring nagmamasid ng ibon ang biktima sa isang wetland park nang siya ay atakihin bandang alas-11 ng umaga noong Sabado.

Ninakaw ang perang nagkakahalaga ng P30,000 at Y30,000 (humigit-kumulang P11,500) pati na rin ang isang mobile phone at Japanese passport.

Sinabi ng mga awtoridad na mahirap makipag-usap sa biktima dahil hindi siya nakakaintindi ng Ingles. Ang biktima ay nagtamo ng bitak sa bungo at bahagyang nahati ang tainga, na nangailangan ng tahi.

Nagtamo rin siya ng pamamaga sa paligid ng mata at kasalukuyang ginagamot sa isang ospital.

Samantala, ang insidente ay nagdulot ng mga alalahanin sa loob ng Japanese community sa Metro Manila, na nakipagbuno na sa serye ng mga pagnanakaw na nagta-target sa mga Japanese national.

Nauna nang naglabas ng advisories ang Japanese Embassy na humihimok sa mga mamamayan nito na mag-ingat umano sa mga marahas na krimen sa mga lugar tulad ng Makati, Taguig, at Parañaque. (JOJO SADIWA)