Advertisers

Advertisers

Kinang ng kagalingan ng PRO2, magniningning sa 35th PNP Day

0 40

Advertisers

Enero 29, 2026, ipagdiriwang ang ika-35 taon ng pagkatatag sa Philippine National Police (PNP). Gaganapin ito sa Kampo Crame sa Lungsod Quezon. Sa okasyon, kikilalanin at paparangalan ang mga magagaling at masisipag na police officers at magaling na Police Regional Office (PRO) pababa hanggang Municipal Police Station.

Sa okasyon, maraming yunit mula PRO1 hanggang PRO 13, BARMM, CAR, at NCRPO, ang magdadagsaan sa Kampo Crame pero natatanging ang rehiyon – PRO 2 ang taas noo na magmamartsa na may kagalakan sa puso at siyempre magniningning din ang kinang ng kagalingan ng rehiyon. Bakit?

Ang PRO2 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Antonio P Marallag ay hindi lamang basta dadalo para makisaya sa okasyon at sa halip ay hahakot sila ng mga pagkilala o parangal. Unang hahakutin ng PRO2 ay ang prestihiyosong parangal – ang “Best Police Regional Office” sa buong Pilipinas. Yes, inilampaso ng PRO 2 ang 12 pang PRO, maging ang CAR, BARMM at NCRPO.

Nakuha ng PRO2 ang pinakamataas na pagkilala dahil sa determinasyon at dedikasyon sa pagpapatupad ng “One Strike, No Take Policy.” Sa isang institusyong madalas mabatikos dahil sa isyu ng integridad, ang polisiya ni PBGen. Marallag ay nagsilbing “reset button.” Ipinakita nito na sa PRO 2, ang bawat pagkakamali ay may pananagutan, at ang bawat suhol ay walang puwang.

Bunga nito, malaki ang antas ng pagbagsak ng kriminalidad sa Lambak ng Cagayan. Ang mga mamamayan ay hindi na natatakot sa pulis; bagkus, natatakot ang mga kriminal dahil alam nilang hindi “natutulog sa pansitan” ang mga Valley Cops.

Hindi nasungkit ng rehiyon ang “Best PRO” dahil lamang sa one-man show kung hindi ang tagumpay ay dahil sa pagkakaisang pagtrabaho mula itaas hanggang ibaba.

Tulad ng una natin nabanggit, hahakot ang PRO2 ng parangal – meaning hindi lang Best PRO ang iuuwi sa Camp Gen. Adurru sa Tuguegarao City at sa halip ay hahakot pa ang rehiyon ng iba’t ibang parangal dahil sa kahusayan mula sa iba pang sangay : Ang 2nd Cagayan PMFC ay pinarangalang bilang Best Provincial Force Company habang ang Santa Ana MPS ang Best Municipal Police Station (Class C) at ang Santiago City CMFC naman ay kinilalang Best City Mobile Force Company.

Hindi lamang iyan but there’s more…ginawaran naman sa indibidwal na parangalan si PCol. Mardito G Anguluan, Provincial Director ng Cagayan PPO bilang Best Senior Police Commissioned Officer for Operations.

Ang mga parangala ay patunay na ang estratehiya ng regional office ay epektibong naibaba hanggang sa ground operations mula sa seguridad sa baybayin hanggang sa kampanya laban sa ilegal na droga, naging “gold standard” ang PRO 2 kung paano dapat patakbuhin ang isang rehiyon.

Dahil sa ipinamalas na tagumpay sa pakikipagharap sa lahat ng hamon sa rehiyon, ang PRO2 ngayon ang tinaguriang pinakamagaling sa bansa. Kaya ang hamon ngayon para kay Gen. Marallag at sa kanyang mga tauhan ay kung paano mapapanatili ang momentum – ang pag-akyat sa tuktok ay mahirap, pero ang pananatili roon ang tunay na sukatan ng galing.

Sa tagumpay na ito, masasabing kampante ngayon ang pakiramdam ng isang magsasaka o isang estudyante sa Cagayan Valley dahil alam nilang ligtas sila.

Congratulations Gen. Marallag at sa lahat ng mga opisyal at tauhan ng PRO 2. Pinatunayan ninyo na sa tamang liderato at disiplina, kayang-kayang magningning ng serbisyong Pilipino.