Advertisers

Advertisers

Mahigpit Man ang Batas, May Puso pa rin ang Pamahalaan — Konsehal Joaquin Domagoso

0 74

Advertisers




Matatandaang noong Bagong Taon ay naiwan ang limpak-limpak na basura sa mga kalsada ng M.D. Santos at Carmen Planas sa Divisoria, bunsod ng operasyon ng mga vendor sa nasabing lugar. Dahil dito, umaksyon ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domagoso at ipinatigil ang pagtitinda sa mga naturang kalsada bilang tugon sa suliranin sa kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran.

Sa gitna ng pangyayaring ito, lumapit ang grupo ng mga vendor kay Konsehal Joaquin Domagoso upang makipagpulong at personal na ipabatid na kinikilala at tinatanggap nila ang kanilang pagkukulang.

Ipinahayag ni Konsehal Domagoso na nauunawaan niya ang kalagayan ng mga vendor, subalit binigyang-diin din niya na may pananagutan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa kapakanan ng lahat ng residente. Aniya, kinakailangang ipatupad ang batas lalo na kung nalalagay sa panganib ang kalinisan at kaayusan ng lungsod. Gayunpaman, batid rin niya na mahalaga ang kabuhayan ng mga maliliit na negosyante at na kahit mahigpit ang batas, may puso pa rin ang pamahalaan.

Bilang tugon, ipinaabot ni Konsehal Joaquin Domagoso sa Alkalde ang mga hinaing ng mga vendor at ang kanilang pagkilala sa sariling pagkakamali. Ang dayalogong ito ang naging daan upang makipagpulong ang Alkalde sa mga naturang vendor.

Sa nasabing pulong, ipinaliwanag ng Alkalde na kinailangang umaksyon ng lungsod dahil sa mga iniwang basura sa mga kalsada. Gayunpaman, nagpasya ang Pamahalaang Lungsod na bigyan sila ng isa pang pagkakataon na makapaghanapbuhay, sa kundisyong susundin nila ang tamang pamamahala at pagtatapon ng kanilang mga basura.