Advertisers
NANGINGINIG sa takot nang dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang estudyante ng Alternative Learning System,kasama ang kanyang ina upang ireklamo ang ilang makapangyarihang opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kaugnay sa umano’y panggagamit, panlilinlang at panggigipit upang makapangikil ng malaking halaga ng pera mula sa isang mayamang negosyante.
Ayon sa mag-inang alyas LA at JP, idinulog nila ang kanilang reklamo sa Volunteers Againts Crime and Corruption (VACC) kaya’t sinamahan sila sa NBI main office upang humingi ng proteksyon sa kanilang kaligtasan.
Sa isang liham na ipinarating ng mag-ina kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’Marcos, nakasaad na ilang makapangyarihang tao ang walang paalam na kinuha si JP na nuon ay menor de edad at ginamit upang makapangikil ng malaking halaga ng pera mula sa isang mayamang negosyante. Ang nasabing negosyante ay nakapagbigay ng kabuhayan sa halos 800 Pilipinong manggagawa.
Sinasabing gumawa pa umano ng pekeng reklamong rape ang ilang opisyales ng SBMA laban sa mayamang negosyante at pineke ang pirma ng mag-ina. Dahil hindi ginusto ng mag-ina ang gumawa ng masama at walang naganap na panggagahasa kay JP ay lumapit sila sa mataas na opisyal ng SBMA upang humingi ng tulong. Sa halip na mabigyan ng pag-asa at manaig ang katotohanan ay siya pa umano ang nagkubli upang protektahan umano ang kanyang mga kasamahan.
Ayon sa impormasyon, humihingi umano ng 50 milyong piso ang ilang opisyal ng SBMA laban sa mayamang negosyante, gayung inamin naman ng biktimang si JP sa harap ni NBI Director Angelito DLP Magno na walang katotohanan na ginahasa siya , at ang reklamong rape ay nadismis na sa korte.
Bagama’t patuloy na nangangamba ang mag-ina sa kanilang kaligtasan, sinabi ni Magno na susubukan nila na malaman ang kaso kung makikipag-ugnayan ang mga inirereklamo ng mag-ina hinggil sa kanilang akusasyon. (JOJO SADIWA)