Advertisers
ISA ang kontra katwiran ng minorya: masyadong mabilis ang desisyon na ibasura ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Kin. Jinky Luistro ng Batangas ang dalawang impeachment complaint laban kay BBM. Hindi sila makapaniwala na ibinasura ang dalawang reklamo sa loob ng wala pang isang linggo.
May magandang katwiran ang mayorya upang tuluyang ibasura ang mga reklamo. Wala na kasing pag-uusapan sa mga puntong nakasaad doon. Walang sapat na katibayan upang may patunayan ang mga reklamo. Sa maikli, walang sustansya mga dalawang reklamo.
Makalipas ang tatlong araw na mahabang deliberasyon, napagtanto ng komite ni Luistro na walang sapat na laman o sustansya ang dalawang reklamo. “Insufficient in substance” – ito ang iginawad na pasya ng komite.
Isinumite ang unang reklamo ni Andre de Jesus. Hindi namin siya kilala at hindi namin alam kung ano ang kanyang credential sa buhay. Isinumite ang pangalawang reklamo ng maka-Kaliwang Makabayan Bloc na pinamumumunuan ni dating Gabriela Party List Kin. Liza Maza.
Kilala namin ang Makabayan Bloc na hindi natuwa kahit minsan sa takbo ng pulitika ng bansa. Kaaway ang lahat at walang grupo na nais kumampi sa kanila. Hindi rin maruong ngumiti ang mga kasaping mambabatas ng grupo.
Bumoto ang komite ng 42-1 na may tatlong abstentions upang aprubahan ang mosyon na ideklara ang de Jesus complaint na “insufficient in substance.”
Nagmosyon si Deputy Minority Leader at Caloocan City Kin. Edgar Erice na ideklara ang Makabayan complaint na “sufficient in substance.” Natalo ang mosyon ni Erice sa botong 39 kontra 7 at zero abstention.
Bago ang botohan, matamang ipinaalala ni Luistro sa mga kasamang mambabatas ang malaking pananagutan sa kanilang mga kamay. Hiningi niya sa mga kasama ang kanilang masusing pagpapasya sa dalawang impeachment complaint.
“Hindi lang ito usapin ng legalidad. Ito ay usapin ding politikal at moral. Let us vote not out of convenience, let us vote with your conscience,”ani Luistro.
“Isipin natin ang kapakanan ng bawat Filipino. Let us prove that in this hall, the interest of the Filipino people comes first,” aniya.
Sinabi niya na bilang presiding officer ng tatlong araw na hearing, hiningi niya ang maging malaya at liberal “to allow ventilation of all views for a better and wider perspective (of the complaints).”
Dagdag niya: “Naging extensive and exhaustive ang pagdinig.”
***
NAGING katawa-tawa si Cristine Frasco sa kanyang pasya na hingin sa mga kasamang opisyales sa Kagawaran ng Turismo na alisin ang kanyang larawan sa mga DoT promotional material. Nakakasulasok talaga na tanging ang larawan niya ang nangibabaw sa mga promotion material ng DoT.
Aminin niya man o hindi, ang sarili niya ang inilako niya sa madla at hindi ang Filipinas bilang isang tourism spot. Ang pinakamasakit sa lahat, ang mga kasama niya sa DoT ang nagreklamo sa kanyang magastos na ego trip.
Walang paghanga sa kanya ang mga kapwa lingkod bayan. Nasusuka sila sa kanya. Ang pinakamaganda ay ang magbitiw siya sa tungkulin bilang kalihim ng DoT. Walang katwiran na mananatili siya doon.
***
Email:bootsfra@gmail.com