Advertisers
ARESTADO ang apat na katao kabilang ang dalawang drug personalities nang maaktuhan ng mga pulis na nagsusugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Ayon sa Valenzuela Police na pinamumunuan ni Police Chief PCol. Joseph Talento, habang nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation Oplan Galugad ang mga tauhan ng Marulas Police Sub-Station 3 sa F. Bautista St., Brgy. Marulas nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na naglalaro ng iligal na sugal na cara y cruz 10:10 ng gabi.
Agad inaresto ang dalawa bago ipinapaalam ang nilabag nila sa batas at mga karapatan.
Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na nakuha kay alyas “Alex”, 45.
Samantala, nadakip naman ng mga tauhan ng Bignay Police Sub-Station 7 ang dalawa ring lalaki nang maaktuhan na naglalaro ng ilegal na sugal na cara y cruz sa No. 13 Block 6, Disiplina Village, Brgy. Bignay 5:15 ng madaling araw.
Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Edwin”, 44, Technician.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan pa na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin nina ‘Alex’ at ‘Edwin’.(Beth Samson)