Advertisers
TAMA si Frank Drilon na isa lang ang kandidato ang tinatawag nilang oposisyon (mas gusto namin na tawagin itong demokratikong puwersa) sa 2028. Pero kung magpipilit ang puwersang tapat umano kay Leni Robredo na ilaban si Leni sa 2028, makakaasa sila na may pantapat sa kanya ang isang malaking paksyon ng demokratikong puwersa.
Tama si Leni na huwag sumabak sa 2028 at tumulong na ihanda ng puwersang demokratiko sa 2028. Iba na lang at huwag siya, iyan ang malinaw niyang sinabi sa ilang pagkakaton. Pero tila hibang na nagpipilit ang ilang tapat na tagahanga (ilan lang ang mga iyan at hindi marami), na siya ang ilaban kahit tinambakan siya ni BBM noong 2022.
Natalo si Leni ng mahigit 15 milyon boto kay BBM pero nagpipilit pa rin ang ilang tagahanga na tinawag namin na “lenitic”. Si Leni ang “pag-asa ng bayan” – ito ang kanilang dahilan sa pagpipilit.
Hindi namin alam kung batid ng kanyang masugid na tagahanga na sa sandaling magdesisyon si Leni na tumakbo sa halalang pampanguluhan sa 2028, makakaasa siya na tatakbo rin si Sonny Trillanes at lalabanan siya. Magkakaroon ng dalawang kandidato ang puwersang demokratiko sa 2028. Ito ang isang bagay na hindi naiintindihan ng mga lenitic.
May sariling paksyon si Sonny Trillanes sa puwersang demokratiko. Bukod sa kanila, may ilang masugid na tagahanga si Trillanes sa puwersang sumusuporta kay BBM. Kapag pinagsama ang dalawang iyan, sapat iyan upang tapatan si Leni.
Noong nakaraang linggo, nagpatawag si Leni ng tanghalian sa ilang lider ng demokratikong puwersa. Dumating si Leila de Lima, Bam Aquino, Risa Hontiveros, at iba pa pero wala si Sonny Trillanes. Hindi namin alam kung inimbitahan si Sonny, ngunit hindi makukumpleto ang puwersa kung wala siya. Isa si Sonny sa haligi ng demokratikong puwersa.
Hindi namin alam kung hindi dumalo si Sonny sa imbitasyon. Pero alam namin na walang bilib sa Sonny kay Leni. Hindi niya gusto ang kawalan ng dibdib at puso ni Leni sa laban. Nakita niya iyan noong 2021 kay Leni. Dahil sa kawalan ng karakang desisyon, tinambakan siya ni BBM ng mahigit 15 milyon boto.
Hindi basta nalilimutan ni Sonny Trillanes ang tinawag na “pakipot politics” ni Leni. Batid na hindi mananalo si Leni kahit anong suporta ng puwersang demokratiko sa kanya. Sa kanya, mas gusto niya si Risa ang lumaban bagamat bukas siya sa proseso kung alin kay Bam o Riza ang tatakbo sa 2028.
Para sa amin, pinakamabuti na manatili na lang sa Naga City si Leni at tumakbo ng reeleksyon sa 2028. Pinakamaganda na pigilin niya ang mga lenitic sa kanilang ingay. Huwag sumali dahil hindi sila nakakatulong sa proseso.
Ngayon, pinakamaganda kay Sonny Trillanes ay tutukan niya ang sakdal na crimes against humanity na iniharap nila ni Gary Alejano laban kay Gongdi sa International Criminal Court (ICC). Huwag rin pabayaan ang sakdal na plunder na iniharap niya sa mga husgado laban kay Sara Duterte at Bong Go.
Ituloy niya ang adbokasya niya na masugpo ang labis na korapsyon sa gobyerno. Kahit wala sa poder, malaki ang nagagawa ni Sonny Trillanes sa bayan.
**
Email:bootsfra@gmail.com