Advertisers
NAGING mainit na isyu ngayon ang paglabas ng isang menor de edad na babae sa paghahanap ng hustisya matapos siyang mapagsamantalahan ng kontroberseyal na ‘missing sabungero witness’ na si Julie “Dondon” Patidongan.
Ang ginigiit ng biktima na itinago sa pangalang “Gracie” hindi umuusad ang ikinaso niyang rape laban kay Patidongan, lalo na’t naging state witness ito sa missing sabungero case.
Kung inyong matatandaan si Patidongan a.k.a. “Dondon” o’ “Totoy” ay inuugnay sa pagkawala ng mga sabungero noong January 2022 at inakusahan kumidnap sa mga ito.
Kalaunan ay naging ‘whistleblower’ nang ituro at pangalanan ni Patidongan si Charlie “Atong” Ang, ang mastermind, kakuntsaba ang ilang opisyal ng pulis, sa pagkawala ng mahigit 100 sabungero na itinapon daw sa Taal Lake.
Nitong bandang huli ng taong 2025, si Patidongan at ang kapatid na lalaki nito ay idineklarang mga state witnesses sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) at ang reklamo sa kanilang kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero ay nadismissed.
Ngayon, ang siste, paano si Gracie? Protektado ba si Dondon Patidongan ng Department of Justice (DOJ) dahil isa na nga itong state witness? At wala na ba siyang pananagutan sa kasong rape na isinampa sa kanya ni Gracie?
Tila na sideline at bumagal na nga ang takbo ng gulong ng hustisya sa kaso ni Gracie. Nangangahulugan ba na mas may timbang sa DOJ ang pagiging state witness ni Patidongan kaysa sa kasong inihain ng ordinaryong si Gracie?
Kapag ganyan, eh nakakabahala ang galawan ng DOJ, ika nga. Ang kaso ni “Gracie” laban kay alias Totoy ay rape, noong siya ay disisais (16) kaya tumakbo siya sa Citizens Crime Watch. At tandaan ninyo ha, si Patidongan ang unang tinuturo na may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.
Ang kanya bang pagiging state witness ay pananggalang sa kasong isinampa sa kanya ni Gracie? Antayin ko sagot ng DOJ.