Advertisers

Advertisers

ISKO, GAGAWING URBAN FARMING MGA BAKANTENG LOTE SA MAYNILA

0 35

Advertisers

Bumisita si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa Metro Pacific Fresh Farms (MPFF) bilang bahagi ng kanyang pagsusulong na gawing mga urban farm ang mga bakanteng at hindi nagagamit na berdeng espasyo sa Maynila.
Noong Miyerkules, Pebrero 18, nagtungo si Domagoso sa pasilidad ng MPFF sa San Rafael upang pag-aralan ang makabagong teknolohiya sa urban farming na maaari niyang maipatupad sa kabisera ng bansa.
Sa kanyang pagbisita, binigyan siya ng briefing ni Shahar Turgeman, direktor ng MPFF, hinggil sa operasyon ng greenhouse facility at paggamit nito ng controlled-environment agriculture upang makapagprodyus ng mga gulay nang episyente at tuluy-tuloy.
Isang greenhouse complex ang Metro Pacific Fresh Farms na gumagamit ng controlled-environment agriculture para makapagtanim ng gulay sa isang maayos at kontroladong kapaligiran.
Bahagi ang naturang pagbisita ng plano ni Domagoso na gawing mga lugar para sa urban farming ang mga bakante at hindi napapakinabangang espasyo sa Maynila upang mapalakas ang lokal na suplay ng pagkain.
Sa mga nakaraang linggo, nakipagpulong din ang alkalde sa mga opisyal ng Singapore Food Agency (SFA) upang pag-aralan ang mga regulasyon sa food safety at mga sistema ng pamamahala ng suplay ng pagkain na maaaring iangkop sa mga lungsod na may mataas na densidad ng populasyon.
Nakipag-ugnayan din siya sa mga kinatawan mula sa Israel kaugnay ng mga makabagong teknolohiyang pang-agrikultura, kabilang ang water-efficient systems at modernong pamamaraan ng pagsasaka na angkop sa limitadong espasyo.
Nakipagpulong din ang alkalde sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) upang talakayin ang high-density urban gardening initiatives at posibleng teknikal na suporta para sa lungsod.
Sinuri rin ng alkalde ang isang 23-ektaryang ari-arian sa Boystown Manila na ikinokonsiderang gamitin para sa agrikultura, at tumanggap ng mga tool kit at kagamitang pang-training na nagkakahalaga ng P463,343.62 mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga lokal na institusyong pagsasanay, bilang bahagi ng mas malawak na paghahanda para sa mga inisyatiba sa urban farming. (BP)