Advertisers
KINUMPIRMA ng Philippine National Police na nanatili ang “blacklisting” ng isang supplier mula sa India na inilabas ni Chief PNP Jose Melencio Nartatez noong isang taon.
Sa dokumentong pirmado ni Chief PNP, blacklisted sa pagsali sa anomang procurement bidding sa lahat ng ahensiya ng gobyerno ang SMPP Limited, na bahagi ng mas malaking SM Group na nakabase sa New Delhi, India. Kinilala ang representative ng SMPP sa bansa na si Sinchan Sinha.
Sa utos ni Nartatez, blacklisted simula Setyembre 12, 2025 hanggang Setyembre ngayong taon ang nasabing kumpanya, “for failure of the contractor to fully and faithfully comply with its contractural obligations without valid cause, or failure by the contractor to comply with any written lawful instruction of the procuring entity or its representative(s), pursuant to the implementation of the contract.”
Una nang nabigyan ng kontratang higit P83.7 milyon ang SMPP matapos manalo para sa suplay ng 2,675 piraso ng “all-purpose vest/waistcoat vest” sa ilalim ng Public Bidding No. PNP-GAA24PB-24-09G.
Isa sa mahalagang probisyon ng kontrata ay ang pagbibigay ng travel at health insurance sa mga kasapi ng PNP.
Noong Enero 29, 2025, kasamang nasawi sa isang helicopter collision sa Washington, USA si Police Colonel Pergentino Malabed Jr., habang nasa isang official mission.
Sa halip namang tuparin ang obligasyon nito sa pamilya ni Malabed, nabatid ni Nartatez na walang ginawang aksyon ang SMPP, at ang PNP at American Airlines pa ang bumalikat sa gastos para lang maibalik ang bangkay ni Malabed sa bansa.
Pagkaraan ang ilang buwan matapos mailibing si Malabed, kumontak umano ang SMPP sa kanyang pamilya at itinuro ang isang local insurance company hinggil sa usapin ng kompensasyon.
Nabatid ng pamilya wala namang travel accident policy ang nasabing isurance company batay sa pagkumpirma ng Insurance Commission, kaya hindi rin sila mabibigyan ng kompensasyon.
Masakit din sa pamilya ang ginawa ng SMPP na nagpalitrato pang kasama ng mga opisyal nito si Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. nang bumisita ang Pangulo sa India noong Agosto 2025, upang palabasin na “malakas” ang kumpanya sa administrasyon.
Muli namang nagpaalala si Nartatez sa lahat ng supplier at mga may gustong makipagtransaksyon sa PNP na istriktong tuparin ang termino ng kanilang mga kontrata.