Advertisers
Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasabay ng pagpalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa A&B Liner, Inc. makaraang mag-viral na sapilitan pinaghintay ng mahigit sa tatlong oras ang mga pasahero sa isang terminal sa Muntinlupa City.
Ang hakbangin ng LTFRB na pinamumunuan ni Chairperson Atty. Vigor D Mendoza II, ay bunsod ng viral post ng netizen na si Tino Olivarez patungkol sa pangyayari sa VTX Terminal sa Alabang.
Sa imbestyigasyon, sumakay ang mga pasahero sa bus na biyaheng Lucena 10:00 ng hapon.
Makaraang, paulit-ulit na paninigurado ng mga crew na aalis na ang bus at 12:30 ng hatinggabi ay nagsimulang mag-isyu ng tiket ang konduktor.
Matapos ang mahigit tatlong oras na paghihintay dahil sa hindi pa umaalis ang bus, humiling na ng refund sa pamasahe ang nagreklamo ngunit tinanggihan umano ito ng konduktor.
Binatikos naman ni Chairperson Atty. . Mendoza II ang inasal ng bus crew, na inilarawan niya bilang “hindi katanggap-tanggap at mapang-insulto.”
“Lokohan at bastusan ang lengguwaheng alam ng konduktor at driver. Bibigyan natin sila ng leksyon to send a strong message that this kind of behavior is not tolerated and must be corrected,” pahayag ni Chairperson Mendoza.
Nakasaad sa inilabas na Show Cause Order, ang operator ng bus ay inaatasan na magsumite ng notarized na paliwanag at mayroong 10 araw ang kompanya upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang prangkisa dahil sa kabiguang magbigay ng maayos at maaasahang serbisyo.
Kinakailangang humarap ang mga kinatawan ng bus firm sa LTFRB Central Office para sa pormal na pagdinig na itinakda sa Marso 19, 2026.
Binigyang-diin ni Chairperson Mendoza na bagama’t sinusunod ng Board ang due process, nananatiling matatag ang ahensya sa panig ng publiko. Hinimok din niya ang mga Pilipino na i-dokumento at iulat ang anumang uri ng pang-aabuso o maling gawain ng mga operator ng Public Utility Vehicle (PUV).(Almar Danguilan)