Advertisers
INIUUGNAY ang dalawang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa umano’y koleksiyon ng buwanang payola sa Central Visayas.
Ayon sa mga source ng DOTr, hindi agad pinaniwalaan ni Secretary Giovanni Z. Lopez ang ulat hanggang sa ipakita sa kanya ang ebidensiya ng umano’y P8 milyong buwanang payola sa Central Visayas bago ang kanyang pagbisita sa Cebu nitong nakaraang linggo.
Sa kanyang pagbisita, iginiit ni Lopez na makaharap ang dalawang tauhan ng Land Transportation Office (LTO) Region 7 na sinasabing kolektor ng payola.
Kinumpirma ni Lopez sa kanilang pagpupulong ang ilegal na koleksiyon, ngunit hindi malinaw kung isiniwalat ng dalawang tauhan ang pangalan ng DOTr executive na nag-utos ng koleksiyon.
Iniimbestigahan din ni Lopez kung may utos sa iba pang lokal na opisyal ng LTO na mangolekta at mag-remit ng buwanang payola.
Samantala, inatasan ni LTO chief Assistant Secretary Makus Lacanilao ang isang masusing imbestigasyon sa insidente sa Central Visayas regional office.
Ayon kay Lacanilao, agad niyang inatasan ang isang espesyal na team mula sa LTO Central Office upang magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Dagdag pa niya, ang imbestigasyon ay magtutuon sa lahat ng aspeto ng operasyon ng LTO Region 7, kabilang ang financial transactions, licensing, registration, at enforcement activities.
(Jocelyn Domenden)