Advertisers
INANUNSYO ngayon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang muling pagtatalaga ng ilang opisyal, kabilang ang pag-alis sa dalawang superintendent.
Sa isang seremonya ng pagpapalit ng posisyon na ginanap sa Bucor Headquarters sa Muntinlupa City, binigyang-diin ni Bucor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ang malawakang pagbabagong ito ay isang proaktibong hakbang na naglalayong palakasin ang bisa ng Bureau sa pamamahala ng mga correctional facility at mabilis na pagtugon sa mga umuusbong na hamon.
Tinanggal sa kanilang mga posisyon sina C/Supt Ricardo R. Sespene Jr., dating Superintendent ng Leyte Regional Prison, at CT/SSUPT Marjorie Ann P. Sanidad, na namuno sa Correctional Institution for Women.
Habang hinihintay ang resolusyon ng mga imbestigasyon hinggil sa kanilang pag-uugali, si Sespene ay magsisilbi na ngayon sa isang hindi nakatalagang kapasidad sa Bucor Land Control and Management Center Anti-Squatting Unit na matatagpuan sa National Headquarters sa Muntinlupa City. Samantala, si Sanidad ay itatalaga sa New Bilibid Prison Hospital.
Si C/SSUPT Ruben Formoso ang itinalaga bilang kahalili ni Sespene, habang si CT/SSUPT Daisy Sevilla-Castillote ang hahawak sa mga responsibilidad ni Sanidad. Si Sevilla-Castillote ay dating nagsilbi bilang Superintendent ng San Ramon Prison and Penal Farm.
Ang reshuffle ay magpapatuloy na may ilang karagdagang pagbabago: Si C/SSUPT Roger Boncales, ang kasalukuyang Superintendent ng New Bilibid Prison, ay ililipat sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro. Si Boncales ay papalitan ni Iwahig Prison and Penal Farm Superintendent, C/SUPT Gary Garcia.
Si C/SUPT Edgardo M. Mendoza Jr., na kasalukuyang namumuno sa Davao Prison and Penal Farm, ang papalit kay Garcia sa IPPF. Ang posisyong nabakante kay Mendoza ay pupunan ni C/Supt. Abel D.R. Ciruela mula sa Sablayan Prison and Penal Farm.
Si C/SSUPT. ALFREDO DEVARAS na nagsilbing Commander, NHQ at Headquarters Support Company Command ang papalit bilang Superintendent ng SRPPF, ang posisyong nabakante kay Castillote. (JOJO SADIWA)