Advertisers
Tuluyang ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) Branch 42 sa San Fernando, Pampanga ang kasong estafa laban kay Globe Asiatique founder Delfin Lee at apat na iba pa kaugnay ng umano’y paggamit ng “ghost borrowers” para makakuha ng P6.6 bilyong housing loan mula sa Pag-IBIG Fund.
Base sa 100-pahinang kautusan, pinagbigyan ni Presiding Judge Joel Bantasan ang demurrer to evidence ng mga akusado, kabilang sina Dexter Lee, Christina Sagun, Cristina Salagan, at Atty. Alex Alvarez.
Giit ng korte, bigong patunayan ng prosekusyon ang mga elemento ng estafa sa ilalim ng Revised Penal Code.
Nabatid na ang demurrer to evidence ay mosyon para ibasura ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya matapos maglahad ang prosekusyon.
Kaya kapag ito’y pinagbigyan, itinuturing itong acquittal o pag-absuwelto sa mga akusado.
Matatandaang nag-ugat ang kaso sa reklamong syndicated estafa na inihain ng Department of Justice noong 2011 kaugnay ng mga housing project ng Globe Asiatique sa Bacolor at Mabalacat, Pampanga.
Sinasabing noong 2018, ibinaba ng Korte Suprema ang kaso sa simple estafa at ibinalik ito sa RTC.
Sa hatol ng RTC, binanggit na walang sapat na patunay na nanloko o ilegal na nanghikayat ng pondo ang kumpanya upang mailabas ang loan mula sa Pag-IBIG.
Bukod dito, hindi rin kinatigan ng korte ang alegasyon ng “special buyer” scheme sa Xevera projects.
Samantala, malugod namang tinanggap ng kampo ni Lee ang desisyon, at iginiit na hindi na siya maaaring usigin muli dahil sa double jeopardy.
Ayon kay Atty. Rony Garay, abugado ni Lee, lehitimo ang operasyon ng Globe Asiatique bilang tugon sa panawagan ng pamahalaan para sa low-cost housing. (Gilbert Perdez)