Advertisers

Advertisers

Mayor Isko binawasan paggamit ng gasolina ng 50% sa gitna ng krisis sa Iran

0 67

Advertisers

Agad na nagpatupad si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ng Executive Order No. 7 upang bawasan ng 50% ang paggamit ng gasolina sa operasyon ng pamahalaang lungsod bilang tugon sa krisis sa langis dulot ng alitan sa Iran at pagsasara ng Strait of Hormuz.

Sa ilalim ng Executive Order No. 7, series of 2026 na nilagdaan noong Lunes, Marso 2, sinabi ni Domagoso na “ang nagpapatuloy na armadong alitan sa Gitnang Silangan at ang Operation Epic Fury (Joint US-Israel Strike laban sa Iran) ay magdudulot ng malaking pagbabago sa pandaigdigang merkado ng langis, pagkagambala sa suplay, at pagtaas ng presyo ng gasolina na may masamang epekto sa pambansa at lokal na ekonomiya pati na rin sa fiscal position ng Lungsod ng Maynila.”

Apektado ang pandaigdigang suplay ng langis, kaya’t inatasan ang mga departamento na magtipid sa gasolina sa pamamagitan ng pagbabawas sa mileage, pag-optimize ng ruta, at pag-iwas sa hindi mahalagang paglalakbay.

Kasama sa mga hakbang ang pagbabawal sa “non-essential travel” ng opisyal at staff, pagsuspinde ng “lakbay-aral” at dayuhang biyahe, at pagpapatupad ng pagtitipid sa kuryente sa mga opisina.

Ang mga tanggapan ng lungsod, maliban sa mga ospital at pasilidad pangkalusugan na pinapatakbo ng LGU, ay inatasang magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente, kabilang ang pagpatay ng kuryente tuwing 5:00 p.m.

Ang mga pulong sa 896 barangay ng Maynila, 44 na city health centers, pitong ospital, at mga district satellite offices ay gagawin online.

Ang mga graduation ceremonies sa pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan ay gaganapin sa kani-kanilang kampus upang mabawasan ang paglalakbay at ang gastusin sa gasolina ng mga pamilya.

Hindi saklaw ng limitasyon ang emergency services tulad ng pulisya, bumbero, ambulansya, at disaster response.

Pinapayagan din ang staggered shifts, compressed workweeks, at remote work arrangements kung posible, pati na rin ang pagbabawas sa hindi mahalagang ilaw at pag-aayos ng heating, ventilation, at air-conditioning systems sa mga pasilidad na pagmamay-ari ng lungsod.

Ang direktiba ay epektibo kaagad at magpapatuloy hanggang bumalik sa normal ang kondisyon ng suplay ng gasolina. (Jocelyn Domenden)