Advertisers
TUMAHIMIK ang mga senador na gigil imbestigahan ang trillion flood control scandal.
Apat na senador palang ang pumirma sa partial flood control report na inimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Ping Lacson.
Bukod kay Lacson, ang tatlo pang senador na pumirma ay sina Bam Aquino, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan.
Ang mga gigil na maimbestigahan, tukuyin at mapanagot ang nasa likod ng anomalya na sina Rodante Marcoleta, Jinggoy Estrada, magkapatid na Raffy at Erwin Tulfo, Juan Miguel Zubiri, Loren Legarda, Joel Villanueva at Chiz Escudero ay naging pipi at bulag sa naturang report. Anyare?
Well, hindi rin natin masisisi ang mga senador na ito partikular sina Estrada, Villanueva at Escudero na hindi pumirma kasi nga sila mismo ay sangkot sa naturang katiwalian. Mismo!
Si Marcoleta, hindi talaga ito pipirma dahil “abogado” siya ng mag-asawang kontraktor na sangkot sa katiwalian, sina Curlee at Sara Discaya na kapwa nakakulong na.
Tandaan: si Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. mismo ang nagbunyag at nagpaimbestiga sa matinding anomalyang ito sa proyektong na panangga sa baha.
Ang isa sa pinaka-mastermind sa katiwaliang na si resigned Ako Bicol Party-list Congressman Zaldy Co ay nagtatago na sa ibang bansa, sa Portugal daw. Kasalukuyan na siyang pinaghahanap ng Interpol.
Ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot dito ay nakakulong na, ang isa nagpakamatay.
Pero ang umano’y “partner in crime” ni Co na si dating House Speaker Martin Romualdez ay hindi manlang natinag.
Si Romualdez ay pinsang buo ni PBBM.
Kamakailan, sinabi ni Rmualdez na handa siyang humarap sa mga imbestigasyon kapag pinatawag siya.
Bakit nga ba hindi iniimbestigahan si Romualdez? Why o why???
Subaybayan!
***
Maloko talaga itong nagtatagong Senador Batugan, aba’y hindi na nga nagtatrabaho gusto pang gawing tuluyan ng kanyang pamilya ang Senate Mansion sa Baguio City kapag meron daw activity.
Sumulat siya kay Senate President Tito Sotto na kung puede gamitin ng kanyang pamilya ang Senate Mansion sa Marso 26 hanggang 29.
Hindi pumayag ang pamunuan ng Senado. Kasi pang-official function lang ang naturang mansion. At dapat kasama ang senador kapag ginamit ito ng kanyang pamilya.
Si Bato ay hindi na pumapasok sa Senado simula pa Nobyembre 2025 matapos ianunsyo ni Ombudsman “Boying” Remulla na may kopya na siya ng ICC arrest warrant laban sa senador, isa sa co-perpetrators sa kasong “Crimes against humanity’ ni ex-President Rody Duterte.
Si Duterte ay isang taon nang nakakulong sa ICC facility sa The Hague, Netherlands.
Kabilang din sa co-perpetrators sa naturang kaso sina Sen. Bong Go at ilang dating opisyal ng nakaraang administrasyon pero nakalantad sila. Si Bato lang ang nagtatago!