Advertisers
NAGBANTA ang House Committee on Justice na ipapa-contempt — at posibleng ipapakulong — ang mga bangko na tatangging sumunod sa utos na ilabas ang bank records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang mister na si Atty. Mans Carpio.
Diin ni Batangas Representative Gerville Luistro, malinaw ang mensahe: walang ligtas sa kapangyarihan ng komite sa gitna ng impeachment proceedings.
Bagama’t wala pang pormal na request sa mga bangko sa ngayon, babala na ito sa posibleng susunod na hakbang — lalo’t ang unang target ay ang mga rekord na hawak ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC), base sa hiling ni Akbayan Rep. Chel Diokno.
“Well, yung failure to obey the lawful order of court of law, that’s include the power of the Justice Committee, to compel the productions of documents by way of subpoena, ang consequence nito they can be cited in contempt for failure to obey a lawful order of impeachment proceedings”, diin ni Luistro.
Hindi pa malinaw kung sino eksakto sa loob ng mga bangko ang papanagutin — mga opisyal ba o buong institusyon — pero isa lang ang sigurado: may kapangyarihan ang Kongreso na magpakulong sa loob mismo ng kanilang pasilidad o sa mga kalapit na detention centers kung patuloy ang pagsuway.
Ang tensyon ay lalo pang sumisidhi matapos ideklarang “sufficient in ground” ang dalawang impeachment complaints laban kay VP Sara noong Miyerkules.
Dahil dito, tuloy na tuloy na ang hearing proper sa March 25, 2026 — at inaasahang magkakainitan sa mga depensa at sisimulan ang agresibong pagkuha ng ebidensya, kabilang na ang sensitibong bank records at posibleng pag-custody sa mga witness.
Para sa DDS lawyers, malinaw na fishing expedition ang ginagawa ng mga mambabatas, anila wala palang sapat na ebidensya ang mga reklamo laban sa Bise kaya tila gagawin ang mga ganitong uri ng hakbang kasama ang pagkuha ng mga impormasyon tulad ng bank records upang mapatunayan kung may basehan nga ang mga alegasyon tulad ng unexplainable wealth diumano kay VP Sara at sa kanyang asawa.
Kaabang-abang ito sa Mierkoles, mga pare’t mare.
Abangan!
***
Kapag nabuksan ang bank records ni VP Sara simula vice mayor at mayor siya ng Davao City, dito malalaman kung may katotohanan ang mga “expose” noon ni dating Senador Antonio Trillanes na si Sara at ang dating Presidente niyang “Tatay Digong” ay may joint account na naglalaman ng daan-daang milyones na mula raw sa droga at smuggling.
Sa expose noon ni Trillanes, inilabas niya ang bank records ng mag-aamang Duterte, na naging dahilan ng pagkatanggal kay Sr. Deputy Ombudsman Arthur Carandang matapos niyang sertipikahan na tunay ang nakuhang bank records ni Trillanes mula sa AMLC.
Ang naging problema lang noon ay iligal daw ang pagkakakuha ni Trillanes ng naturang bank records ng Duterte.
Hinamon pa ni Trillanes si noo’y President Duterte na magpirma ng waiver para mabuksan ang kanyang bank records, pero tumanggi ang huli.
Dito sa impeachment kay Sara, malamang ma-expose na ang sinasabing bank records ng mag-aamang Dutertre.
Subaybayan!