Advertisers
ISANG bagay na hindi napansin ng madla sa banggaan ni Ping Lacson at Rodente Marcoleta ang paninindigan ni Ping sa Iglesia ni Cristo (INC), ang relihiyon ng dalawa o tatlong milyong kasapi na bumoboto bilang isang bloke sa listahan ng kandidato ibinubo sa kanila ng mga pinuno. Kasapi sa kulto ni Rodente. Siya ang pinakamataas na kasapi ng INC na halal na bayan.
Walang pakialam si Ping kay Rodente at ang kulto na kinakatawan. Sa mga tagasubaybay, hindi nasisindak si Ping sa INC. Hindi siya natatakot sa dalawa o tatlong milyon boto na mawawala sa kanya kung papalaot muli sa halalan. Pero malinaw si Ping sa kayang plano na magretiro sa katapusan ng kanyang termino sa 2028. Hindi siyang tatakbong muli kahit puede pa niya itong gawin sa ilalim ng Saligang Batas.
Hindi kailangan ni Ping ang ipinagmamagaling na boto ng INC. Wala siyang obligasyon upang manatili sa basbas ng mga lider ng INC. Wala siyang pakialam sa damdamin ng INC. Magagawa niya ang anumang gusto batay sa mandando ng bayan na iniatang sa kanyang balikat bilang senador. Nakita natin kung paano niya dinurog si Rodente. Winasak niya kamakailan ang natitirang dangal ni Rodente Marcoleta sa bulwagan ng Senado.
Dinurog na parang paminta si Rodente sa almires ni Ping. Hindi binigyan ng katwiran. Naungkat ang lahat ng kapalpakan ng nakapelukang mambabatas. Muling pinasinungalingan ni Ping ang baluktot na katwiran ni Rodente na walang batas na nag-uutos na ibalik ang ninakaw na yaman upang isailalim sa Witness Protection Program ang mag-asawang Discaya. Binibigyan ni Rodente ng proteksyon ang mga Discaya, ani Ping.
Inungkat ni Ping ang kakulangan ni Rodente na sabihin ng maayos sa kanyang Statement of Operations and Campaign Expenses (SOCE) ang mga kontribusyon na ibinigay sa kanyang kandidatura sa nakalipas na halalan. Hindi nakakibo ang naka-wig na senador. Wala siyang maisagot sa banta ni Ping na hihingin ang imbestigasyon ng Senado sa kakulangan ng Comelec na hawakan iyon ng maayos. Bukas (Miyerkules), magdedesisyon ang Comelec sa isyu ni Rodente.
Ayon kay Ping, nais alisin ni Rodente sa minutes ng pagdinig ng Commission of Appointments kung saan hiningi niya na ibigay sa China ang Kalayaan Islands. Ipinaramdam ni Ping na alipin ng China si Rodente. Krimen ito sa batas, babala ni Ping. Pinanindigan ni Ping ang kanyang bintang na mahinang klase abogado at manananggol si Rodente dahil hindi siya ganap na nagsusuri at nagsasaliksik sa maraming isyu.
***
INAMIN ni Kulas Kaufman, puno ng defense team ni Gongdi sa kanyang sakdal na crimes against humanity sa ICC, na nakikialam ang anim na abogadong Filipino na ipinadala ni Misfit Sara sa confirmation of charges hearing kung bakit kailangan litisin si Gongdi.Nangunguna si Salvador Medialdea, dating executive secretary ni Gongdi, ang pangkat ng mga abogado na pawang hindi accredited ng ICC.
Hindi namin nakikita na may magagawang tulong ang anim na abogado. Maliban kay Medialdea, pawang wala silang itinatagong galing. Pawang nakakatawa sila lalo na si Sal Panelo na hindi mahihiya na ipakita ang kanyang kamangmangan. Hindi na namin babanggitin ang pangalan ng iba dahil hindi namin nais na sumikat sila.
***
MAY sinabing maganda si Kin. Terry Ridon ng Bicol saro Party List kung iiwas si Misfit Sara sa impeachment proceedings laban sa kanya sa Kapulungan ng mga kinatawan (House Of Representatives) at hindi nagpapaliwanag. Mapapabilis ang pagdinig na maaaring isampa ng Kapulungan ang Articles of Impeachment sa Senado upang litisin siya.
Malaking pagkakataon ni Misfit Sara na magpaliwanag sa Kapulungan, ani Ridon sa kanyang pagharap sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Kyusi. Manananggol si Ridon at siya ang hepe ng House Committee on Public Accounts. Batay sa House rules, kailangan sumagot ni Misfit Sara sa mga paratang sa kanya sa loob ng 10-araw.
“Inaantay po ng House Committee on Justice iyun pong answer ng Pangalawang Pangulo. So I think she has until this weekend and until Monday to submit her answer to the House Committee on Justice,” ani Ridon. Magdaraos ng pagdinig ang House Committee on Justice sa Miyerkoles, aniya.
“Aantayin po namin ‘yun at the end of office hours ng Lunes and then we will have to decide kung ano po yung next step,” aniya. “In the event po that she does not respond by Monday, the process will be shortened, abbreviated,” aniya.
“So ibig sabihin po, I think as early as the final weeks of this month, pwede pong mag-proceed na po to a determination of sufficiency in grounds and then we can proceed to ‘yung hearing proper na po,” aniya. “So in the event that the VP submits her answer, ‘yun pong endorsers, complainants will be given an opportunity to reply and the VP will be given an opportunity to do a rejoinder,” ani Ridon.
“Matatapos na po ‘yung 10 days eh by this weekend. So our expectation is that she will respond and she will submit by Monday kasi wala naman pong pasok po ‘yung Kongreso ngayon pong weekend,” aniya. “So hopefully by Monday the answer will be submitted to Congress, to the House Committee on Justice.”