Advertisers
NAGBABALA ang House Committee on Justice na maaaring ipa-contempt at posibleng ipakulong ang mga bangkong hindi susunod sa utos na ilabas ang bank records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang mister na si Atty. Mans Carpio.
Ayon kay Batangas Representative Gerville Luistro, ang tserman ng komite, malinaw na may kapangyarihan sila na pilitin ang paglalabas ng mga dokumento sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment proceedings.
Bagama’t wala pang opisyal na kahilingan sa mga bangko, nagsilbi itong paunang babala sa maaaring maging susunod na hakbang.
Binanggit din na unang target ang mga rekord na hawak ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC), alinsunod sa hiling ni Akbayan Rep. Chel Diokno.
“Well, yung failure to obey the lawful order of court of law, that’s include the power of the Justice Committee, to compel the productions of documents by way of subpoena, ang consequence nito they can be cited in contempt for failure to obey a lawful order of impeachment proceedings,” diin ni Luistro.
Hindi pa malinaw kung sino ang mananagot kung sakali tumanggi ang mga bangko—kung mga opisyal ba o ang mismong institusyon—ngunit iginiit na may kapangyarihan ang Kongreso na magpatupad ng contempt, kabilang ang pagkulong sa kanilang pasilidad o sa mga kalapit na detention centers.
Lalong umiinit ang sitwasyon matapos ideklarang may sapat na batayan ang dalawang impeachment complaints laban kay Duterte, kaya tuloy na ang hearing proper sa Marso 25, 2026. Inaasahang dito sisimulan ang mas masusing presentasyon ng ebidensya, kabilang na ang mga sensitibong bank records at posibleng pag-custody sa mga testigo.