Advertisers
Nasabat ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), katuwang ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, ang tinatayang P102 milyon halaga ng shabu na itinago sa mga chopping board sa isang operasyon sa NAIA Terminal 1, na nagresulta sa pag-aresto ng isang Malaysian na pasahero.
Ang pasahero, na dumating mula Malaysia, ay na-flag matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe ang kanyang bagahe sa x-ray screening. Dahil dito, isinagawa ang 100% physical examination, kung saan nadiskubre ang humigit-kumulang 15,024 gramo ng shabu na nakalagay sa dalawang kahong idineklarang chopping boards, na may standard value na P102,163,200.
Agad na inaresto ang pasahero at isinailalim sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang nakumpiskang droga para sa inquest proceedings. Inihahanda na ang mga kasong isasampa sa ilalim ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Muling iginiit ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang pinaigting na border protection efforts ng ahensya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Aniya, determinado ang BOC na pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa sa pamamagitan ng mas matibay na intelligence-driven operations at mas epektibong koordinasyon sa iba’t ibang ahensya.
Pinuri naman ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa ang pagiging mapagmatyag at propesyonalismo ng BOC-NAIA personnel at partner agencies, lalo na sa pagtuklas ng mga makabagong paraan ng pagtatago ng ilegal na droga.(BP)