Advertisers

Advertisers

Ospital ng Maynila gumawa ng kasaysayan: Unang Angioplasty, tagumpay!

0 36

Advertisers

Pumasok na sa panibagong yugto ng public healthcare ang Ospital ng Maynila nang maisagawa ang kauna-unahang matagumpay na angioplasty procedures, isang malaking hakbang para sa isang LGU-run hospital na ngayon may kakayahan nang magsagawa ng advanced cardiac care.

Inanunsyo ni Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla nitong Sabado, Marso 28, na dalawang angioplasty procedures ang matagumpay na naisagawa nitong Marso 27, isang tagumpay na matagal nang inaasam para sa health system ng lungsod.



“We are very excited and happy to announce na nagawa natin ang dalawang successful cases of angioplasty,” ani Dr. Padilla.

Nangyari ang pagtupad sa milestone na ito ilang buwan matapos buksan ng lungsod ang sarili nitong catheterization laboratory noong Setyembre 2025, na nagsimula sa mga angiogram bago umusad sa mas advanced na interventional procedures.



“Since September, nag-open tayo ng ating catheterization laboratory at nag-umpisa tayo sa maliit na angiogram procedure. Yesterday, excited ang buong team na nagawa natin ang dalawang successful cases of angioplasty,” dagdag ng health chief.

Ipinaliwanag ni Dr. Padilla na isang minimally invasive procedure ang angioplasty na nagbubukas ng baradong o kumikipot na arteries sa puso, isang kondisyon na maaaring magdulot ng heart attack kapag hindi nakakaagos nang maayos ang dugo.



“Ang angioplasty, isang percutaneous intraluminal angioplasty; minimally invasive siya, meaning hindi na natin kailangan buksan ang ating puso para maoperahan. Nag-o-open ito ng mga makikipot na blood vessel sa ating puso,” aniya.

Sa procedure, ipinapasok ang catheter mula sa braso upang matukoy ang bara at maglagay ng stent para maibalik ang normal na daloy ng dugo, na nagbibigay-daan sa mas mabilis na paggaling nang hindi na kailangan ng open-heart surgery.

“In 1 to 2 days, nasa mga relatives at mahal na po sa buhay. Prolonged po ang kanilang buhay with the use of stenting,” sabi pa ni Dr. Padilla.

Habang ang angioplasty sa mga private hospital, karaniwang nagkakahalaga ng P1 milyon hanggang P1.5 milyon, nagbibigay nito ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila nang libre o minimal na bayad, upang mas mapalawak ang access sa life-saving cardiac care.

“Usually sa mga private hospital, umaabot po ito ng P1 to P1.5 million. Pero dito sa Maynila, ino-offer po natin free at cost ’yan,” ani Dr. Padilla.

Pinuri rin ni Dr. Padilla ang suporta ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at ang dedikasyon ng medical team ng ospital, sabay hikayat sa mga residente na magpagamot sa Ospital ng Maynila.

“’Wag po kayong mahihiya na pumunta sa Ospital ng Maynila at ia-accommodate po natin kayo sa abot po ng aming makakaya,” aniya. (BP)