Advertisers

Advertisers

Isko tinapatan ang taas-presyo ng krudo:Tsuper may dagdag P500 mula sa savings ng Lungsod

0 157

Advertisers

BAGO mamasyal, bilin ng mga pari, pastor at ministro ng pananampalatayang Kristiyanismo, magtika, manalangin tayo.

Ating alalahanin ang sakripisyo ng ating Panginooong JesuCristo sa loob ng paggunita natin ngayong Semana Santa o Holy Week.

Eli Eli Lama Sabactani (Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan?) winika ni Jesus bago malagutan ng hinihinga sa matinding hirap na dinanas sa mga latay at hagupit sa pagkapako sa Krus ng kanyang mga kamay at paa sa Bundok ng mga Bungo (Golgota).

Sa huling hugot ng hininga, sinabi Niya sa Ama, na patawarin ang sa Kanya ay nagparusa sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa, at ang pagtanggap ni Jesus sa parusa kahit wala Siyang kasalanan upang tubusin ng Kanyang mahal na dugo ang kasalanan ng mga taong sa Kanya ay naniniwala, sumasampalataya at sinusunod ang Kanyang mga utos.

Winika Niya: “Naganap na ang Lahat!”
***
Marami sa atin, sa halip na pagtitika, pamamasyal at pagsasaya ang inaatupag ngayong Holy week — isang mahabang bakasyon sa nakakukubang araw-araw na paghahanap ng ikabubuhay, habang ang iba ay kahit na ilang tayong magpakuya-kuyakoy, di magugutom sa nahamig na kayamanan, sa makatwiran o panlalamang sa kapwa, sila lamang ang tanging nakakaalam.

Pasyal, kung may magagastos sa pagpapasyal at kung tulad naming walang pampasyal, mamalagi na lamang kami sa aming munting tahanan, magtitika, mananalangin at hihingi ng patawad sa aming mga nagawang kasalanan.

Pagkat wala naman sa atin ang perpekto: Lahat tayo na mula sa alabok ay mahuna, mahina at maaring matukso, lalo na sa panahon ng panganib at kakapusan at pangangailangan.

Patawad po, Ama, at Panginoong JesuCristo, ipamagitan Mo po kami sa ating Ama at tanggapin ang aming pagpupuri at maraming pagpapasalamat sa buhay, lakas at kapayapaan at kalusugan at kagamutan sa aming sakit at pagkain sa aming hapag sa araw-araw.

Kapos man, pero mas masaya kami kung sama-sama na may kapayapaan sa aming tahanan.

Maipagkaloob sana sa amin ngayon at sa mga darating pang mga araw.
***
Sa gitna ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng krudo, muling ipinakita ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na hindi siya nag-aatubiling kumilos kapag kapakanan ng mga tsuper at komyuter ang nakataya. Ang kanyang anunsyo nitong Martes, ang pagtataas ng subsidyang ibinibigay sa mga jeepney driver mula P3,000 tungong ?3,500 kada araw na higit pa sa isang numero. Isa itong malinaw na pahayag, na hindi pababayaan ng Maynila ang mga nagtutulak sa ekonomiya ng lungsod.

Hindi biro ang P12 biglaang pagtaas sa presyo ng krudo noong Lunes. Sa ilalim ng programang “Libreng Sakay,” garantisado sanang kita na ang P3,000 para sa mga lumalahok na driver, pero sa taas-presyong ito, siguradong mababawasan pa rin ang tunay nilang maiuuwi. Dito pumasok ang mabilis at praktikal na solusyon ng alkalde: gamitin ang P661,000 na natipid mula sa unang araw ng programa at direktang iabot sa mga tsuper.

Simple ang rason ni Isko: “Imbes na ilagay ko ulit ’yan sa libreta ng gobyerno, sa palad n’yo na lang.”

Isang pahayag na may bigat, hindi dahil maganda pakinggan, kundi dahil bihirang marinig sa pamahalaan ang ganitong uri ng agarang tugon: walang pasikot-sikot, walang red tape, at higit sa lahat, walang pag-aalinlangan.

Sa unang araw pa lang ng Libreng Sakay, 129,665 pasahero na ang napagsilbihan ng 1,038 jeepney mula sa anim na distrito ng Maynila. Tradisyunal na balikat ng publiko ang mga tsuper, pero sa programang ito, sila naman ang binibigyang proteksyon ng siyudad laban sa pabago-bagong kondisyon sa merkado.

Ipatutupad ang dagdag na P500 hanggang sa natitirang araw ng programa ngayong Martes, pati na rin sa susunod na Lunes, Martes at Miyerkules, isang hakbang na hindi lamang nakabatay sa numero kundi sa pag-unawa sa realidad ng araw-araw na pamamasada.

At gaya ng nakagawian, nagtapos si Isko sa mensahe ng pag-asa: “Cross fingers… kung may dumating na biyaya sa Maynila, ipagkakaloob ko agad sa inyo.”

Isang paalala na sa panahon ng krisis, hindi sapat ang pamamahala, kailangan ang pamumunong marunong makinig, marunong mag-adjust, at marunong magmahal sa mga taong nagtatrabaho sa kalsada.

Sa pagtaas ng subsidya, marami ang natulungan. Pero higit sa lahat, mas marami ang nakaramdam na hindi sila nakakalimutan. Sa panahong puno ng pasanin ang ordinaryong mamamayan, minsan, ang ganitong klaseng hakbang ang nagiging pagkakaiba sa pagitan ng pag-asa at pagod.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.