Advertisers
Si “Mr. Gas-and-Run” na kilalang-kilala o sikat ngayon – viral siya sa social media dahil sa ginawang eksena – ang nagpakarga “full tank” para sa minamaneho niyang Innova sa isang gasolinahan sa Quezon City kamakailan at saka takasan. Yes, 1,2, 3, ‘ika nga.
Kaya lang, ibang klase ang kanyang pagkasikat – maraming nagalit sa kanya. Naturalmente, magagalit ang lahat – takbuhan mo ba naman ang P6,000 plus na halaga ng diesel.
Dahil dito, naging “wanted” siya sa batas – sa QCPD. Agad na ipinag-utos ni Quezon City Police District (QCPD) District Director Police Brig. Gen. Randy Glen Silvio ang imbestigasyon at manhunt operation laban kay Mr. 1-2-3.
Pero nitong Lunes ng gabi, Marso 30, nasa kamay na ng QCPD ang salarin matapos na sumuko dahil batid niyang kilala na siya at hindi siya tinatantanan ng QCPD.
Sa madaling salita, ang pagsuko ni “Mr. Gas and Run” ay hindi dahil sa udyok ng konsensya. Malinaw na ang kanyang pagsuko ay dahil dama niyang papalapit na ang yapak ng batas.
Ang pagsuko ay ang bunga ng isang walang humpay at siyentipikong pagtugis na isinagawa ng QCPD. Muling pinatunayan ng kapulisan na sa modernong panahon – may mata ang bawat kalsada at ang bawat takas ay may hangganan.
Sa pagtatago sa Bulacan, hindi napagtanto ng suspek ang katotohanang hinihimay na ng Special Investigation Team (SIT) ng QCPD ang bawat galaw niya. Kaya ang matagumpay na operasyon ng kapulisan ay hindi tsamba kundi isang masterclass sa modernong policing.
Sa pamamagitan ng mga “mata” sa bawat kanto ng lansangan – sa pag-aaral sa kuha ng mga CCTV “forward and backward” tracking at sa pakikipagtulungan sa mga ahensya ng transportasyon, natunton ng QCPD ang kinaroroonan ng sasakyan at ng drayber.
Dahil nga sa ramdam ng suspek na hindi siya sinusukuan ng QCPD, ang pagsuko niya ay hindi lamang naging opsyon at sa halip ito na lang ang tanging paraan niya para makalabas sa sitwasyong wala na siyang kawalan.
Pinatutunayan nito na ang dedikasyon at pagpupunyagi ng kapulisan ay sapat na pressure para mapalabas ang sinumang nagtatago sa batas.
Sa pangyayaring ito – isa itong babala o paalaala na sa Quezon City, maaari kang tumakbo, pero hindi ka makakapagtago – kayang-kaya kang abutin ng kamay ng QCPD saan ka man magtago.
Pugay kamay sa QCPD!