Advertisers
Nanawagan ang Malacañang sa publiko na ituon ang panahon ng Semana Santa sa pagdarasal at pag-iwas sa intriga at pamumulitika.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, hindi angkop ang paninira at batikos lalo na kung wala namang maayos na ambag sa diskurso.
Hinimok din ng opisyal ang mga kritiko na sa halip na mang-intriga ay makipagtulungan na lamang sa pamahalaan para sa kapakanan ng bansa.
Binigyang-diin ni Castro na mas mahalaga ang pagkakaisa at pagsuporta sa gobyerno, lalo na sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng Pilipinas, kabilang ang epekto ng tensyon sa Middle East.
Dagdag pa niya, hindi napapanahon ang pamumulitika kung ang layunin ay gibain ang pamahalaan para sa pansariling interes.
Samanta, hinikayat din ng Malacañang official ang lahat na magdasal, lalo na para sa mga nagkakasala, bilang bahagi ng diwa ng Semana Santa. (Gilbert Perdez)