Advertisers
PAPAYAGAN na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dumaan sa EDSA ang mga pamprobinsiyang bus simula Miyerkules Santo, Abril 1.
Ayon kay Commander Bong Nebrija ng MMDA Swift Traffic Action Group, layunin ng hakbang na ito na maaalalayan ang biyahe ng mga pasahero at mga bus na uuwi o bumiyahe patungo sa iba’t ibang probinsiya ngayong Semana Santa.
Ibig sabihin, pansamantalang maaaring gamitin ng mga bus na biyaheng probinsiya ang EDSA para sa kanilang ruta, upang maiwasan ang matinding trapiko sa iba pang daanan.
Bukod dito, inanunsyo rin ni Nebrija na pansamantala ring hindi ipatutupad ang number coding scheme mula tanghali ng Miyerkules Santo, Abril 1, hanggang tanghali ng susunod na Lunes, Abril 6, 2026.
Ang desisyong ito ay bahagi ng mga hakbang ng MMDA para mapadali at maging mas maayos ang daloy ng trapiko sa Metro Manila sa panahon ng holiday season. (Gilbert Perdez)