Advertisers

Advertisers

Panawagan sa Senado dahil sa patinding krisis…‘DAGDAG CASH AID’

0 4

Advertisers

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na maghanda ng supplemental budget upang maprotektahan ang mga Pilipino sa epekto ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.

Pahayag ni Gatchalian, maaaring mangailangan ng karagdagang P60 bilyon hanggang P400 bilyon upang maipagpatuloy ang social amelioration programs kung magtatagal ang krisis. Iminungkahi rin niya ang posibilidad ng Bayanihan 3, kabilang ang loan reprieve at pansamantalang pagtigil ng interest sa credit cards.

Sa ulat ng Senate PROTECT na isinumite sa Malacañang Palace, inirekomenda ang targeted aid tulad ng P1,500 buwanang tulong para sa 5 milyong minimum wage earners at MSME workers, at dagdag na ayuda para sa 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s).



Kasama rin sa panukala ang P3,000 buwanang ayuda para sa 1.4 milyong mahihirap na pamilya at pagpapalawak ng Walang Gutom Program upang mapalakas ang seguridad sa pagkain.

Sinabi ni Gatchalian na ito ang dapat na seryosong ikonsidera sa halip na magpatupad ng across-the-board wage increase, na maaaring magdulot ng dagdag na pasanin sa mga kumpanyang nahihirapan na sa gitna ng krisis.



Tinatayang gagastos ang pamahalaan sa ilalim ng panukalang programa ng humigit-kumulang P7.5 bilyon kada buwan.

“Typically, ang ating mga social amelioration are poverty-level and below. So we also recommended the minimum wage earners kasi near poor sila and susceptible sila sa inflation shock,” pahayag ni Gatchalian sa Zoom interview ng mga mamamahayag.



Nauna nang tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) sa publiko na may nakalaang contingent funds sakaling hilingin ng Department pf Labor and Employment (DOLE) na palawigin ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga minimum wage earners na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.

Magugunitang sinabi rin ng Palasyo na pag-aaralan ng pamahalaan ang hiling na tulong pinansyal para sa mga minimum wage earners, middle class, at mga empleyado ng gobyerno na apektado ng krisis sa langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan. (Mylene Alfonso)