Advertisers
TINULIGSA ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa pagbansag sa mga pagdinig ng Kamara bilang isang “kangaroo court” habang ginagamit din ang desisyon ng Korte Suprema tungkol sa due process.
Ayon kay Adiong, chair ng Committee on Suffrage and Electoral Reforms, isinasagawa ang mga kasalukuyang hearing para sundin ang direktiba ng Korte Suprema na matiyak ang karapatan ng respondent sa preliminary inquiry bago magtungo sa plenaryo.
Sinabi ni Adiong, na noong naglabas ng desisyon ang Korte Suprema, pinuri nila ito at ngayong ginagawa na ng Kamara ang utos ng korte na magbigay ng due process, sasabihin naman nilang kangaroo court.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang proseso ay pagsunod sa panulat ni Associate Justice Marvic Leonen na nag-aatas sa Kamara na maging maingat sa pagtalima sa Saligang Batas.
Iginiit ni Adiong na hindi dapat maging “selective” o mapili ang kampo ng Bise Presidente sa pagrespeto sa mandato ng Konstitusyon base lamang sa kung ano ang pabor sa kanila.
“But now that we are doing exactly what the Supreme Court has said, na hindi na tayo din diretso sa plenary because we need to provide and observe and extend due process to the respondent, which we are doing, sinasabi naman nila kangaroo court. I heard some of the defense mentioned a kangaroo court,” pahayag ni Adiong.