Advertisers

Advertisers

FB PAGE NA NAGPAPAKALAT NG FAKE NEWS UKOL SA ENERGY LOCKDOWN INIREKLAMO NG PCO CHIEF

0 6

Advertisers

INIHIRIT ng Presidential Communications Office (PCO) sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan at sampahan ng kaso ang mga nasa likod ng Facebook page na “Malasakit News Pilipinas” dahil sa pagpapakalat umano ng maling impormasyon kaugnay ng sitwasyon sa enerhiya.

Batay sa reklamo ng PCO sa DOJ, na-flag ng kanilang Anti-Fake News Desk ang tatlong post ng naturang page na pawang hindi totoo, kabilang ang umano’y “energy lockdown,” “fuel shortage,” at isang pekeng “emergency lockdown” dulot ng kathang-isip na Covid-19 variant.

Ipinasa ni PCO Secretary Dave Gomez ang kanilang findings kay Acting Justice Secretary Frederick Vida upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at tukuyin ang mga administrator ng nabanggit FB page.

Sinasabing lumitaw sa imbestigasyon na inilabas ang mga maling impormasyon kasabay ng deklarasyon ng state of national energy emergency na umano’y nagdulot ng pangamba sa publiko.

Agad namang pinabulaanan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang nasabing mga ulat, ngunit iginiit ng PCO na dapat managot ang mga responsable upang maiwasan ang paglaganap pa ng fake news.

Samantala, hiniling din ng PCO na sampahan ng kaso ang mga sangkot sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, na nagpaparusa sa pagpapakalat ng “false news,” habang patuloy namang pinaigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa disinformation sa gitna ng mga sensitibong isyu sa bansa. (Gilbert Perdez)