Advertisers
NAGLABAS ng mabibigat na alegasyon ang saksi sa impeachment na si Ramil Madriaga hinggil sa umano’y paulit-ulit na paghahatid ng malaking halaga ng pera sa mga opisyal na konektado sa Office of the Ombudsman.
Sa kanyang sinumpaang supplemental affidavit, sinabi ni Madriaga na kabilang umano sa mga tumanggap ng pera sina Ombudsman Samuel Martires at Assistant Special Prosecutor na si Ryan Rey Quilala.
Sa naging pahayag ni Madriaga, isinagawa ang mga transaksiyon sa ilalim umano ng direktang utos nina Vice President Sara Duterte at dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte.
Inilarawan ni Madriaga ang isang sistemang tinawag niyang “drops,” kung saan inilalagay ang pera sa mga sasakyan na naka-park sa mga itinakdang lugar, at iniiwan ang mga susi upang maiwasan ang direktang pakikipag-ugnayan.
Sinabi ni Madriaga, isa sa mga detalyadong insidente ay ang naganap noong Disyembre 20, 2022.
Aniya, naghatid sila ng dalawang bag ng pera patungo sa compound ng Ombudsman matapos itong kunin mula sa Department of Education Central Office sa Pasig at dalhin muna sa kanyang bahay sa Cainta, Rizal.
Bandang alas-8:00 ng umaga, nagtipon ang grupo sa kanyang tirahan bago tumungo sa parking area ng Ombudsman.
Pagdating doon, sinunod umano nila ang direksiyon ng guwardiya at ipinarada ang sasakyan kung saan nakalagay ang pera.
Ayon pa kay Madriaga, iniwan nila ang susi ng sasakyan sa ibabaw ng gulong—isang pamamaraan na aniya’y karaniwan nilang ginagawa sa paghahatid ng malalaking halaga ng salapi.
Matapos ang operasyon, agad umano silang umalis sa lugar.
Bukod dito, iginiit din ni Madriaga na may hiwalay pa siyang personal na paghahatid ng halagang P15 milyon kay Quilala sa loob mismo ng tanggapan ng Ombudsman.
Sinabi niya na ang mga naturang transaksiyon ay bahagi umano ng mas malawak na operasyon ng paglipat ng pera na kanyang isinagawa sa loob ng ilang taon.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang mga pinangalanang opisyal kaugnay sa mga alegasyon.