Advertisers
Makikinabang ang aabot sa 80,000 manggagawang Manileño sa libreng bigas sa ilalim ng programang “Biyayang Bigas para sa Maynila,” bilang agarang ayuda sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Opisyal nang sinimulan ang pamamahagi sa SM City Manila kung saan personal na dumalo sina Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza, at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..
Ayon kay Mayor Isko, naglaan ang Pangulo ng P286 milyon para sa Lungsod ng Maynila mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ng Office of the President. Ang pondong ito ang gagamitin sa pamamahagi ng bigas para sa mga higit na nangangailangan.
Bukod sa mga manggagawa, kabilang din sa mga benepisyaryo ang mga taxpayer bilang pagkilala sa kanilang ambag at upang maibsan ang kanilang gastusin sa kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya.
“Ayon na rin sa direktiba ng Pangulo na tulungan ang mga nagbabayad ng buwis, personal na desisyon niya ito,” pahayag ni Moreno.
Nagpasalamat din ang alkalde sa patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa mga Manileño sa gitna ng umiiral na hamon sa kabuhayan.
Sa kanyang bahagi, pinuri ni Pangulong Marcos Jr., ang Lungsod ng Maynila dahil sa mabilis at maayos na implementasyon ng programa. Aniya, bagama’t ipatutupad ang “Biyayang Bigas” sa buong bansa, nauna lamang ang Maynila dahil sa maagap na pagkilos ng lokal na pamahalaan.
“Nauna lang ang Maynila dahil mabilis gumalaw ang Office of the Mayor dito, kaya lagi silang nauuna,” ani ng Pangulo, sabay diin na handa ang lungsod sa pagpapatupad ng mga programa ng pambansang pamahalaan.