Advertisers
Nilinaw ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na hindi siya ‘bumalimbing” gaya ng mga sinasabi umano ng ilan dahil sa pakikipagtulungan ngayon ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa administrasyong Marcos Jr.
Paglilinaw ni Domagoso , na siya ay makikipagtulungan kahit sinong maupo na presidente ng Pilipinas.
Binanggit ng alkalde na bagamat may mga bagay na nasabi na noong panahon ng Presidential election kung saan kalaban nito si Pangulong Marcos– ang taumbayan aniya ay nagpasya na at siya naman ay naging ‘olats’ o natalo.
“If you really believe in democracy , you recognized 31 milyon , ganun lang kasimple”, ani Domagoso.
Hinamon ni Domagoso ang mga nagsasabing siya ay bumalimbing na maghanap ng mga salita simula nang matalo siya sa pagkapresidente.
Aniya , habang nahaharap sa malalaking isyu ang gobyerno tulad ng isyu sa sibuyas , asukal at iba pa , hindi siya nagsalita o nagkomenti dahil iginagalang niya ang Pangulo.
“Alam mo lima singko ang dinudutdot sakin sa mikropono .I never made comment , why ?– iginagalang ko yung 31 milyon na mamamayang bumoto kay President Bongbong Marcos– siya binoto eh demokrasya yun eh . Tapos nako wala kayong narinig”. dagdag pa ni Mayor Isko.
Paglilinaw pa ni Domagoso , ang kanyang pakikipagtulungan kay Marcos ay hindi dahil sa pulitika niya dahil aniya wala naman na siyang ambisyon pa.
Giit ni Domagoso , anong buting idudulot sa mga mamamayan ng Maynila kung siya ay makikipagbardagulan sa Presidente na hindi niya kapartido.
Sinabi pa ng alkalde , ‘or may buti bang mapapakinabangan ang mga taga Maynila kung ang Mayor ng Maynila mapaka-partido man o hindi ay nakikipagtulungan sa Office of the President “.
Aniya , lahat aniya ng uri ng tulong ay kanyang hihingin lalo na ngayong nahihirapan aniya ang Maynila. (Jocelyn Domenden)