Advertisers
NAGHAHANDA ng kasong Plunder ang Ombudsman laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, pero dinamay ni Boying Remulla ang pangalan ni Senator “Chiz” Escudero.
Kung plunder ang kaso laban kay Escudero, nasaan ang pera? Waley!
Ayon sa Republic Act No. 7080 (Anti-plunder Act), para masabing may plunder, kailangang may ill-gotten wealth. May hindi maitatagong yaman na nakuha, naipon, at hindi maipaliwanag na yaman galing sa iligal na gawain. Mismo!
Kung wala ng mga nabanggit, wala ring kaso.
Kailangan may aktwal na pagkamal ng yaman. Klaro sa batas, hindi sapat ang paratang. Kailangan may ebidensya ng “actual enrichment.”
Sa lahat ng lumabas na alegasyon, walang matibay, direkta, at specific evidence na personal na nakinabang si Escudero sa kaban ng bayan. Walang bank trail. Walang ari-ariang biglang lumitaw. Walang dokumentong mag-uugnay sa kanya sa anumang nakaw na yaman.
Sa katunayan, si Escudero pa nga ang nagbunyag ng mga kalokohan ni Romualdez bilang Speaker. At sina Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon at Senate Blue Ribbon Chairman Ping Lacson pa mismo ang nagsabi na naging talamak ang ghost projects noong 2023 – 2024. Ito ang panahon na Speaker pa si Romualdez. At sa Senado? Hindi pa Senate President si Escudero noon, si Senator Migz Zubiri pa ang SP noon.
Makikita sa timeline pa lang na walang kinalaman si Escudero sa mga kababalaghan sa national budget. Noong mga panahong iyon, tinawag ng mga kritiko na ang national budget noon ang pinaka-corrupt sa kasaysayan ng bansa. At halos lahat sila’y si Romualdez ang itinuturo bilang mastermind.
Nagkaroon din ng special report ang media tungkol sa mga kwestyonableng ari-arian ni Romualdez. Napag-alaman na may mga mansyon siya sa Sotogrande, Spain na nagkakahalaga ng P444.5–471.8 millyon. Mayroon din siyang mga property sa Dover, Massachusetts na may halagang $2.24 milyon o P130.5 milyon. Bukod pa ang mga ito sa pagmamay-ari niyang estates sa Forbes Park, Amanpulo luxury villa, at iba pa. Ibig sabihin, may sapat na ebidensya ng plunder kung magpupursigi lang talaga ang Office of the Ombudsman. Mismo!
Kung ganoon, bakit pilit na idinadamay si Escudero sa kaso ni Romualdez? Pinapalabnaw ba ni Ombudsman Boying ang liability ni Romualdez sa pagdawit kay Escudero? Kung ano kasi ang bigat ng ebidensya laban kay Romualdez, ganoon naman katabang ang paratang kay Escudero. Umaasa ba ang Ombudsman maaabswelto rin si Romualdez kapag napawalang-sala si Escudero?
May bitaw pa ang Ombudsman na panahon pa raw ni dating House Speaker Lord Allan Velasco ang mga anomalya. Ang tingin ng marami rito ay ini-extend lang niya ang timeline hanggang mawala ang mabigat na pananagutan ng mga personalidad, unang-una na si Romualdez, sa kasalukuyan.
Ano ba ang niluluto ng Ombudsman dito? Pananagutan, o isang masalimuot na kwentong pangligtas lang kay Romualdez?