Advertisers
SINIPA sa puwesto ni Public Works Secretary Vince Dizon ang maintenance chief ng Las Piñas-Muntinlupa District Engineering Office matapos makatanggap ng paulit-ulit na report hinggil sa mabagal na pagtugon sa kalamidad at kapabayaan sa tungkulin.
Sa opisyal na memorandum na inilabas nitong Agosto 29, ipinag-utos ni Dizon ang agarang pagtanggal sa tungkulin kay Engr. Loreto C. Balena, Jr. dahil sa kanyang “unsatisfactory performance, lack of urgency, and delayed response to calamities.”
Upang matiyak ang walang patid na paghahatid ng serbisyo publiko, inatasan din ang opisyal na magsagawa ng imbentaryo, kumpletuhin at pirmahan ang lahat ng nakabinbing dokumento at deliverables, at pormal na ibigay ang lahat ng opisyal na rekord, papeles at ari-arian na nasa kanyang pangangalaga.