Advertisers

Advertisers

E-trike driver at ‘guardia civil’ nagsuntukan sa parking

0 4

Advertisers

NAUWI sa suntukan ang mainit na pagtatalo ng isang e-trike driver at isang miyembro ng ‘Guardia Civil’ sa Real Street ng Barangay 655, Intramuros, Maynila, Sabado ng hapon, April 18.
Ayon kay Police Lt. Colonel June Paolo Abrazado, 1:55 ng hapon nang sitahin ng guwardiya ang e-trike driver dahil sa ilegal na pagparada o kahit pansamantalang paghinto sa lugar na bawal.
“Sinita niya para sabihan na hindi puwede mag-park doon sa lugar na iyon,” ani Abrazado.
Bukod sa CCTV, nakuhanan din ng cellphone video ng isang netizen ang insidente mula sa ‘di kalayuan. Sa video, makikita ang komprontasyon ng dalawa bago ito nauwi sa suntukan.
Sinabi ng opisyal na nagkaroon ng negatibong reaksyon ang driver at paulit-ulit minura at dinuro ang guwardiya.
“Magkailang ulit ng pagmumura ng e-trike driver… about more than 30 times na pagmunura at pagduduro sa mukha nung guwardiya,” aniya.
Ilang sandali pa, nakita sa video ang paglapit ng dalawa pang guwardiya. Sinubukan ng isa sa kanila na umawat, nguni’t nang bumaba ang driver sa kanyang sasakyan at lumapit sa guwardiya, doon na nagsimula ang suntukan.
“Malinaw naman po sa video na ‘yung guard po talaga ‘yung unang nanuntok. However, makita rin po natin ‘yung acts ng e-trike driver na bumaba siya… na may akma rin na may gagawin,” ayon kay Abrazado
Sugatan sa mukha ang driver habang nagtamo ng mga bukol sa noo ang guwardiya.
Dinala sa Philippine General Hospital ang driver para sa medical examination at paunang lunas.
Sa kabila nito, sinabi ng pulisya na may mga legal na paraan sana na maaaring ginawa sa halip na gumanti ng suntok.
“Pwede niya po arestuhin ‘yung nagmumura sa kanya… meron po tayong unjust vexation at threats,” dagdag ni Abrazado.
Wala pa inilalabas na pahayag ang Intramuros Administration at ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangyayari.