Advertisers
Ipinahayag ni Isko Moreno na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng subsidiya sa bigas para sa working class sa ilalim ng programang “Biyayang Bigas para sa Maynila” ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr..
Nagpatuloy nitong Lunes, Abril 20, ang rice relief para sa mga manggagawa sa Maynila nang personal na maghatid si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng tig-10 kilong commercial rice sa mga empleyado sa McDonald’s branch sa UN-Del Pilar.
Ayon kay Domagoso, sinadya ng lungsod na sa mismong lugar ng trabaho gawin ang distribusyon sa halip na sa iisang venue upang hindi maabala ang operasyon ng negosyo at ang araw-araw na gawain ng mga empleyado. Nakatakda ring ipagpatuloy ang pamamahagi kada dalawang buwan sa susunod na anim na buwan.
“Huwag kayong mag-alala, kita ninyo, dito kami pumunta. At ito ay gagawin nang sama-sama para sa inyong lahat,” ani ng alkalde. “Kapag gusto, maraming paraan.”
Dagdag pa niya, ang programa ay para sa working class ng Maynila. “Ipinagmamalaki namin kayo sa inyong sipag. Kapag masipag ang manggagawa, lalago ang negosyo. At kapag lumago ang negosyo, mas marami pang oportunidad ang mabubuksan.”
Bahagi ang distribusyon ng target ng lungsod na maabot ang humigit-kumulang 80,000 indibidwal at manggagawa, gamit ang P286 milyong pondo mula sa Office of the President sa ilalim ng Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) program.
Ayon pa kay Domagoso, layunin din ng inisyatiba na maibsan ang epekto ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at nagpapabigat sa gastusin ng mga pamilya, lalo na sa mga karaniwang kumikita ng sahod.
Ibinahagi ng ilang benepisyaryo na tumanggap ng bigas sa naunang distribusyon sa SM City Manila na malaking tulong ang programa sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Inilunsad ni Pangulong Marcos, kasama si Mayor Domagoso, ang pilot distribution ng programa noong Abril 16 sa SM City Manila, kung saan ipinahayag ng Pangulo ang pag-asang makatutulong ito upang matuldukan ang kagutuman sa bansa bago matapos ang kanyang termino.
Pinuri rin ng Pangulo ang Maynila bilang isa sa mga unang lungsod na agad tumutugon sa mga programa ng pambansang pamahalaan.
“Kapag nagbubukas kami ng programa, nauuna. Sinasabi ko: ‘Sino iyong handa, sino iyong ready? Maynila, puwede na daw bukas.’ Eh di iyon, punta na ako sa Maynila,” ani ng Pangulo.(BP)