Advertisers
NAGSAMPA ng reklamo si Atty. Manases Carpio, mister ni Vice President Sara Duterte, sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang kinatawan ng House of Representatives.
Kabilang sa mga pinangalanan sa reklamo si BSP Governor Eli Remolona Jr., AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, at mga miyembro ng House Justice Committee na sina Representatives Gerville Luistro, Percival Cendaña, Chel Diokno, at Leila De Lima.
Batay sa kampo ni Carpio, kaugnay ang reklamo ng umano’y paglabag sa Anti-Money Laundering Act, Bank Secrecy Law, at Data Privacy Act. Inaakusahan niya ang mga opisyal na iligal na ibinunyag ang “classified confidential banking records” na protektado ng batas.
Giit ng kanyang panig, nawalan siya ng pagkakataon makapaghain ng legal na depensa para sa kanyang sarili, pamilya, at maging sa banking community.
Binanggit din ng kanyang abogado na hindi saklaw ng reklamo ang katotohanan ng mga inilabas na “suspicious transactions” sa House Justice Committee, kundi nakatuon lamang sa umano’y paglabag sa mga umiiral na batas.
Sa naturang pagdinig, iniulat ng AMLC na may higit P6 bilyong transaksyon na konektado kay Carpio at sa Bise Presidente, kabilang ang P4.525 bilyong pumasok sa kanilang accounts, P1.554 bilyong lumabas, at P791 milyong hindi matukoy kung inflow o outflow.
Tinawag ni Carpio ang naturang pagbubunyag bilang “black propaganda” at “political harassment” na layong sirain ang reputasyon ng Duterte family.
Dagdag pa ng kanyang legal counsel, si Carpio ay isang pribadong indibidwal at hindi bahagi ng impeachment proceedings.