Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SUCCESSFUL ang ginanap na fashion show with a purpose na “Retashow: QC’s Catwalk to Sustainability” sa SM Fairview kamakailan.
Ang tema ng ikatlong edisyon nito ngayong taon ay “Twinning” kaya naging mas makulay ang rampahan.
Umarangkada sa nasabing event ang naggagandahan at malikhaing mga damit na gawa ng mga talentadong fashion designers gamit ang used o recycled textile at iba pang patapon nang mga materyal.
Nagpabonggahan ng kanilang creation ang sampung kalahok na sina Vandro Casiwan,Edel Santiago, Janeth Belchez, Evelyn Rocela, Danryl Purisima,
Jashmin Iballo,Catrina Lopez, Ron Renigado, Sophia Servando at Prince
Galang.
Samantala, nanawagan naman ng suporta si QC Mayor Joy Belmonte sa kanyang adbokasiya sa naturang okasyon.
“QCitizens, let’s redefine style with purpose. Sa ikatlong taon ng “Retashow: QC’s Catwalk to Sustainability,” mas pinagtibay natin ang ating adbokasiya — sustainable fashion; circular fashion economy; wakasan ang textile waste. At ang tema ngayong taon, “Twinning,” dahil mas makakamit natin ang ating layunin kung sama-sama, at twinning tayo sa pagsulong nito, “aniya.
Personal ding pinasalamatan ni Mayor Joy ang lahat ng mga lumahok sa Retashow 2026.
“Hindi pa man ay binabati ko na kayo dahil lahat kayo ay panalo. Salamat din sa inyong pagsuporta at pagyakap sa adbokasiya ng ating lungsod, “bulalas niya.”Maraming salamat din sa lahat ng mga naging parte ng ating programa — mula sa organizers, mga hurado, mga kawani ng ating lokal na pamahalaan, mentor ng ating mga mananahi at designer, guest performer, at sa SM Fairview na naging tahanan ng ating event ngayong araw. Sama-sama nating pangalagaan ang ating kalikasan! Yes to sustainable fashion, “dugtong niya.
Napili namang winners sa patimpalak sina Vandro Casiwan ng Brgy. Nagkaisang Nayon, Ron Renigado ng Brgy. Commonwealth at Prince Charles Galang ng Brgy. Novaliches Proper.
Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng ?70K.
Naging criteria ng inampalan ang creativity, craftsmanship, at malasakit sa kalikasan ng mga kalahok.
Naging mga hurado naman sa nabanggit na kumpetisyon sina Avel Bacudio, Dr. Julius L.Leano, Jr.at Prince Jimdel Ventura.
Nangabog naman sa kanyang nakakakilig na musical performance ang singer-songwriter na si Amiel Sol.
Dumalo rin sa programa sina QC Councilor Doray Delarmente, Chief of Staff Rowena Macatao, Action Officer William Bawag, SM Fairview Mall Manager Vincent Chua, Belinda Bartolome at Chris Coquia ng SM Supermalls, Climate Change and Environmental Sustainability Department head Andrea Villaroman, at QC Department heads.
Ang RetaShow ay isang inisyatibo ng lungsod ng Quezon na layuning labanan ang masamang epekto ng ‘fast fashion’ sa kalikasan sa pamamagitan ng pag-recycle ng mga tela.
Ito ay inorganisa ng Quezon City Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD) sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Joy Belmonte.